Ang desente at ang makapal

SI Thailand Prime Minister Thaksin Shinawatra ay hinangaan ng kanyang mga kababayan at ng buong mundo dahil nagbitiw sa kanyang tungkulin upang matigilan ang patuloy na pagkakawatak-watak ng mga Thai.

Dito sa atin, si Madam Senyora Donya Gloria ay patuloy na kumakapit sa puwesto at wala raw dahilan upang magbitiw siya dahil siya raw ang karapat-dapat na leader ng Pilipinas. Sinabi pa niya minsan na malakas siya sa Diyos, tanong lang ng karamihan, aling lord kaya, hindi naman siguro Jueteng Lord dahil kababayan, kumpare niya at kumare niya ang lord sa sugal na ito.

Maaaring hindi mag-resign si Thaksin dahil kapapanalo pa lang ng kanyang partido sa nakaraan nilang halalan. Halos 56% ang bumoto sa partido ni Thaksin at walang kaduda-duda ang kanyang panalo hindi lang nitong nakaraan nilang eleksyon kung hindi noon pang una siya nagwagi bilang Prime Minister.

Dito sa atin, si Madam Senyora Donya Gloria ay sinusuka ng karamihan sa Pinoy. Sa huling survey ay lumalabas na halos 70% na ng Pinoy ang ayaw sa kanya at kalahati rito ay pumapayag na maalis siya sa anumang paraan, kasama na rito ang coup d’etat.

Puwera pa riyan yung malinaw na pandarayang ginawa niya noong nakaraang halalan na madaling patunayan sa kanyang mga tawag sa campaign period phone pal niyang si dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano.

Naging isyu laban kay Thaksin ang ginawa ng pamilya niya na nagbenta ng shares nila sa isang telecom company ilang araw bago ipatupad ang bagong batas na naging dahilan upang hindi sila magbayad ng buwis.

Sa madaling salita, umiwas sa pagbabayad ng buwis ang pamilya niya dahil malamang alam nila ang bagong ipatutupad na batas kaya inunahan nila ito.

Dito sa atin, ang pamilya ni Madam Senyora Donya Gloria at ni Sir Senyor Don Jose Miguel (Pidal) Tuazon Arroyo ay hindi nagdeklara ng kanilang mga multi-million bank accounts hindi lang dito kung hindi pati sa ibang bansa sa pamamagitan ng mga JOSE PIDAL accounts na nilantad ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.

Ang bayaw niyang si Iggy Arroyo na nagsasabing siya si JOSE PIDAL ay bigla ring lumaki ang income at property noong pumasok sa Kongreso pero ang buwis na binabayad niya kakarampot lamang.

Si Madam Senyora Donya Gloria rin ang pumirma ng IMPSA deal contract na ayaw pirmahan ni dating Pangulong Erap Estrada. Pagkapirma ni Madam Senyora Donya Gloria ay biglang nagkaroon ng bagong bank account sa Coots Bank sa Hong Kong na nagkakahalaga ng $14 million.

Lumalabas sa mga imbestigasyon na ang may-ari ng account ay si Hernando "Nani" Perez, ang unang Justice Secretary niya at si JOSE PIDAL na alam ng lahat kung sino maliban kay Madam Senyora Donya Gloria.

Lumaganap din ang jueteng at iba pang uri ng sugal at ngayon nga ay pinagpipilitan pa ng Malacañang ang pagpapatupad ng small town lottery kung saan gobyerno pa ang magiging bangka ng sugal.

Sa administrasyon din ni Madam Senyora Donya Gloria kinilala ang Pilipinas na may pinakamahal na kalye (Diosdado Macapagal Highway) sa Pilipinas na pinangalan pa sa kanyang Ama.

Ang bilyong pisong fertilizer scam kung saan ninakaw ang perang para sa mga magsasaka at ginamit noong nakaraang eleksyon. Ultimo Metro Manila ay ginamitan nila ng fertilizer upang tumibay siguro ang mga kalyeng konkreto o aspalto.

Marami pang ibang iskandalo at anomalya pero sa sobrang dami baka kapusin ako. Alam na ninyo yung iba pa gaya ng Bailey Bridges na iba-iba ang haba at lawak pero iisa ang presyo, ang delivery ng pera galing sa jueteng kay "kagalang galang na kongresistang" Mikey Arroyo na anak ni Madam Senyora Donya Gloria at si Iggy Arroyo na kapatid ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.

Sa Thailand, nag-rally ang mga tao pero ni minsan hindi sila pinagpapalo ng mga pulis at sundalo. Nanatiling neutral ang pulis at military sa kanila.

Dito sa atin, obvious na patuloy ang ligaya ng mga heneral sa AFP at PNP kaya walang habas na pinahihirapan ang mga kritiko, media at mga nag-rarally. Bugbog sarado ang mga nag-poprotesta kahit tumatawid lang ng kalye o magsuot ng t-shirt na pare-pareho. Walang habas na paluan, kasuhan at kulungan ang kaharap ng sinumang maglakas loob na kalabanin siya.

Patuloy ding nakatunganga ang mga nasa Judiciary at kung maglabas man ng desisyon ay papaboran si Madam Senyora Donya Gloria. Bakit kaya tipong masasaya rin ang mga Justices natin lalo na itong kahihirang pa lang na si Chief Justice Artemio Panganiban.

Ngayon mga kaibigan, malinaw na malinaw ang pagkakaiba ng dalawang lider. Isang desente at isang ubod ng kapal at walanghiya.

Kayo ang maghusga, text kayo, sino ang desente at kahanga-hanga at sino ang ubod ng kapal at walanghiya?
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e-mail sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments