EDITORYAL - Grabe ang pulitika kaya ‘Pinas di-makaarangkada

NOONG dekada 70, tinitingala ang Pillipinas ng mga kalapit bansa sa Southeast Asia. Kinaiinggitan ang ekonomiya. Maraming dayuhan ang gustong mag-aral dito lalo na sa paraan nang pagpaparami ng ani ng palay at iba’t ibang klase ng prutas. Bukambibig din ang mga Pinoy na mahuhusay mag-English.

Ngayo’y kabaligtaran ang nangyari. Hindi makaarangkada ang Pinas. Sino ba ang mag-aakala na mahihigitan pa ng Vietnam at Thailand ang Pilipinas? Ang mga estudyanteng Thais ay nag-aaral pa noon sa International Research Institute (IRI). Ngayon, umaangkat na ang Pinas sa kanila ng masarap at mabangong bigas. Ang Pilipinas ngayo’y nangungulelat. Mahirap tanggapin pero iyan ang nakadilat na katotohanan.

Ang grabeng pulitika ang dahilan kung bakit kulelat ang Pilipinas. Maraming pulitiko rito. Sila ang dapat managot sa nangyayaring ito sa bansa. Ang pamumulitika ay karaniwan na lamang sa Pilipinas. Walang katapusang pamumulitika na sa halip makatulong sa bansa ay lalo pang pinaghihirap. Noon pa man, ang pulitika na ang sagabal sa kaunlaran ng bansang ito.

Maski ang Japan ay napatunayang ang grabeng pamumulitika ang naglulubog sa Pilipinas kaya napag-iiwanan ng mga kapitbahay na bansa sa Southeast Asia. At hindi lamang ang grabeng pamumulitika ang dahilan nang pagkasubsob ng bansa kundi pati na rin ang may kinalaman sa trabaho, buwis at mga infrastructure projects.

Grabeng pulitika ang dahilan kaya napag-iiwanan. Hindi na naman balita ang natuklasan ng Japan sa Pilipinas sapagkat maski ang mga Pilipino ay matagal nang alam na ang grabeng pamumulitika ang dahilan kaya mabagal ang pag-unlad.

Ngayo’y ang pagpapalit ng Konstitusyon ang pinagkakaabalahan ng mga pulitikong dikit kay President Arroyo. Maraming napapabayaan dahil sa pagnanais na ma-ammend ang Konstitusyon.

Dapat pa bang unahin ang pagpapalit ng Konstitusyon kaysa sa pagbibigay ng hanapbuhay? Kailangan pa bang unahin kaysa sa paglupig sa mga walang kaluluwa na nagbibigay ng sindak sa mamamayan? Maraming pulitiko sa bansang ito kaya walang katapusan ang pulitika. At ang suma, walang katapusan din ang pagdurusa ng masa.

Show comments