Pulitikang ‘sila-sila’

ASAL ng mga politiko ang elitismo. Pinagtatakpan nila ang isa’t isa, o kaya ay naglalaro ng palitan sa paghawak ng poder. Kumbaga, sila-sila na lang.

Masdan ang kilos ni Cory Aquino. Nu’ng Presidente siya, 1986-1992, walong ulit siyang tinangkang pabagsakin at patayin ni Gringo Honasan. At walang tigil ang banat sa kanya ng Marcoses na pinatalsik ng EDSA-Uno. Kinalaban din siya ng Kaliwa. At nu’ng 2001, nagsanib sila ni Sen. Frank Drilon (dati niyang executive secretary) na litisin si Pres. Joseph Estrada at ipalit (kasama ng Kaliwa) si noo’y-VP Gloria Macapagal Arroyo.

Ngayon kasama nina Cory at Drilon ang Marcoses at Kaliwa sa pagpapababa kay GMA. Hindi lang ‘yon. Batay sa dokumentong "Final Talk" na nakuha sa flash disk ni Magdalo mutineer Lt. Lawrence San Juan, kasabwat din ng Kaliwa si Gringo sa planong kudeta kay GMA. At dalawa sa tauhan noon ni Gringo – sina noo’y-Kapitan Ariel Querubin at Danny Lim na sumukob sa Makati financial district nu’ng tangkang kudeta ng Dis. 1989 – kasama rin nina Cory sa pagpaplano kontra GMA. Inulat ng Time magazine na nu’ng gabi ng Peb. 23, nagtatawagan si ngayo’y Gen. Lim at ang kapatid ni Cory na Peping Cojuangco para sa mga planong protest rally kinabukasan sa ika-20 anibersaryo ng EDSA-Uno.

Nu’ng EDSA-Dos, ayon sa retrato ng mga Kaliwang kongresista na akusado ngayon ng rebelyon, nakipagsabwatan daw sila kay GMA para pabagsakin si Erap. Kaya, dapat daw kasuhan din si GMA ng rebelyon nu’ng 2001 tulad nila ngayon.

Ang masaklap, ang nag-akusa sa mga Kaliwang kongresista noon ng kutsabahan ay si Sen. Ping Lacson, na kasama na nila ngayon sa oust-GMA movement. Pumunta pa nga sa Washington si Lacson nu’ng Nob. 2000, kasama ang kaklase nila ni Gringo sa PMA na si Col. Jake Malajacan, para ipresenta ang sarili na pamalit kay Erap. Ani Ping kay US Rep. Dana Rohrabacher, na binunyag ng ayudanteng Al Santoli, pababagsakin nila si Erap at pagkatapos ay uupo sa poder para pigilan si GMA na hawak na sa ilong ng mga Komunista.

Ang mga politiko nagkakampi sa isa’t isa para isulong ang sariling interes. Tapos, nagbabanatan sila para maagaw ang poder. Sila-sila lang.

Show comments