Nakapanlulumong isipin na sa kabila ng sinapit ng Marinduque sa kamay ng dayuhang mining company, ang gobyernong Arroyo ay muling isusubo ang lalawigan sa isa na namang disaster. Hindi pa ba sapat ang sinapit ng lalawigan sa may 30 taong pagmimina na wala namang ibinigay na pag-unlad? Sa halip na gumanda ang buhay ng mga Marinduqueños, lalo pang bumagsak. Sinira ng Marcopper na pag-aari ng Placer Dome ang likas na yaman na pinagkukunan ng ikabubuhay at ang matindi pa, pati ang mga residenteng nakapaligid sa lugar ng minahan ay binigyan ng mga sakit katulad ng cancer at sakit sa balat.
Malaking kita ng gobyerno. Iyan ang unang nakita ng mga pinunong nagpupumilit magkaroon ng pagmimina. Basta kumita nang malaki, hindi na baleng ma-sira ang lugar at mamatay o magkasakit ang mga tao.
Tatlumpong taong nag-operate ang Marcopper sa Marinduque at nagtapos lamang noong March 24, 2006. Pero masaklap ang iniwang alaala ng mining company sapagkat pinatay ang ilog doon at dinulutan ng sakit ang mga tao. Nawalan ng buhay ang Boac River sapagkat tinambakan ng tailings o latak nang pinagminahan. Ang mga latak ay may taglay na toxic tone-toneladang toxic.
Hindi lamang ang Boac River ang sinira ng mga latex na may toxic kundi pati na rin Calancan Bay at ang Maguila-guila siltation dam. Ang mga isda at iba pang mga lamandagat ay namatay dahil sa toxic.
Ang balak na pagkakaroon muli ng minahan sa Marinduque ay mahigpit na tinutulan ng mga Marinduquenos. Ayaw na nilang maulit pa ang disaster na kanilang sinapit sa Marcopper. Hindi na sila papayag. Wala rin namang naidulot sa pag-unlad sa Marinduque sapagkat nananatiling ika-14 na mahihirap na probinsiya sa Pilipinas.
Isinampa na ang kaso laban sa Placer Dome dahil sa pagtatambak ng latak ng mina sa Boac River at inaasahang makakamit na ng mga Marinduquenos ang hustisya. Ganoon pa man, hindi na maibabalik ang winasak ng dayuhang kompanya. Ang magandang magagawa, tutulan ng mamamayan ang balak na pagmimina, hindi lamang sa Marinduque kundi sa marami pang lugar sa bansa. Magsama-sama para tutulan ang pagmimina.