EDITORYAL – Mag-ingat ang DepEd sa pag-hire ng guro

SABI ng Department of Education (DepEd), maaari nang i-text ang ginagawang pang-aabuso ng teacher sa kanilang estudyante. Sinabi ni DepEd officer-in-charge Undersecretary Fe Hidalgo na hindi na maaaring ilihim ang ginagawang pang-aabuso o pananakit ng teachers sa kanilang estudyante. Ayon kay Hidalgo, maaari nang idirekta ang sumbong sa Department of Education DTxT Action Center sa pamamagitan ng pag-text sa 2622 (type DEPEDFDBK <name> <message> at i-send sa 2622) o kaya’y tumawag sa hotline number (02)636-1663.

Mabuti at nagising na ang DepEd sa mga nangyayaring pang-aabuso ng mga teacher sa kanilang estudyante. Matagal nang nangyayari ang mga pananakit, pagmumura at iba pang masamang gawain ng mga guro sa kanilang estudyante subalit karamihan sa mga magulang ay hindi alam kung ano ang gagawin. Hindi nila alam kung kanino lalapit para magreklamo. Naiisip nilang maaaring pagtakpan ng principal ang umabusong guro sakali at magsumbong sila. Mayroon din namang hindi alam ng mga magulang na inaabuso na ang kanilang anak sapagkat hindi naman nagsusumbong sa kanila. Salamat at nagising na ang DepEd.

Malaki ang aming paniwala na nagising ang natutulog na kamalayan ng DepEd officials makaraang mabalita ang pagkamatay ng isang Grade 2 pupil sa Taguig City. Pinakain umano ng pinagtasahan ng lapis ang estudyanteng si Maria Delmar Redota ng teacher nitong si Brenda Elbambuena. Bagamat tonsillitis ang ikinamatay ng bata at wala pang malinaw na ebidensiya na may kinalaman ang pagpapakain ng pinagtasahan ng lapis ang dahilan, hindi pa rin lusot ang guro sapagkat sasampahan siya ng kasong child abuse. Hindi lamang umano si Redota ang nakalasap ng mabigat na parusa kay Elbambuena kundi maging ang estudyanteng si Justine Caraga. Ayon sa report, nagtatago na si Elbambuena mula nang mabalitaang namatay ang kanyang estudyante.

Salamat naman at nagising na ang DepEd at maaari nang magsumbong sa pamamagitan ng text o direktang pagtawag. Sana ay totoo naman nilang aaksiyunan ang reklamo at hindi press release lamang ang lahat.

Sana rin naman ay mag-ingat ang DepEd sa pag-hire ng mga guro at baka ang makuha nila ay katulad ng gurong nagpakain ng pinagtasahan ng lapis. Hindi ganitong guro ang nararapat. Huwag mag-hire ng gurong abusado.

Show comments