Bago pa ang inquiry tungkol sa smuggling activities, matagal nang sumingaw ang mga pangalang Samuel Lee, David Tan, Lucio Co, Basilio Tan, Vicky at Tom Toh. Sila umano ang mga pinapadrinuhan ni First Gentleman Mike Arroyo. Bukambibig daw ng mga nabanggit ang pangalan ni FG. Mahigpit namang itinanggi ni FG ang mga akusasyon. Noong nakaraang linggo, nagbanta si President Arroyo na aarestuhin ang sinumang magdadawit sa pangalan ng kanyang asawa. Ang banta ay kasunod nang mapabalitang dawit na naman ang kanyang asawa sa smuggling scandal. Noon pa nasangkot na ang pangalan ni FG sa smuggling nang pasingawin ni Senator Panfilo Lacson ang tungkol sa "Jose Pidal" noong 2003. Nabanggit na noon ang mga pangalan nina Vicky Toh at kapatid na si Tom Toh.
Ilang araw makaraang magbanta si Mrs. Arroyo sa mga magdadawit sa kanyang asawa sa smuggling ay nahuli ang "bigtime" at notorious smugglers na si Samuel Lee. Pinaka-notorious umano si Lee at ang bukambibig ay ang pangalan ni FG. Ang iniismuggle ni Lee sa bansa ay plastic resin na pangunahing sangkap sa paggawa ng plastic products. Inaresto si Lee sa arrival ng Ninoy Aquino International Airport. Galing siya Hong Kong. Pero ilang araw makaraang madakip, ay nakalaya na si Lee. Nagpiyansa siya ng P360,000. Ang liit naman!
Ganyan lang pala kaliit ang perang kapalit ng kalayaan. Sa dami ng perang nagawa ni Lee sa pag-iismuggle ng resin, ang piyansang P360,000 ay balewala lang sa kanya.
Sa pinsalang ginagawa ng mga smugglers na mismong si Mrs. Arroyo na ang nagbansag na mga "economic saboteurs" nararapat na magtamasa ng mabigat na parusa ang smugglers na masasakote. Pero hindi yata mangyayari ang ganyan sapagkat nakikita na sa nangyari kay Lee na magaan lang ang ipinapataw na parusa. At nasaan ang ibang "bigtime smugglers"? Bakit si Lee lamang ang nalambat?