Sa aking pananaw, wala naman siyang ginawang krimen, at kung may intention man siya, maaring plano pa lang niya yun at hindi naman natuloy.
Assuming na natuloy man ang kanyang plano, malinaw naman ang sinasabi ng Korte Suprema na kudeta lamang ang labag sa batas, at hindi ang withdrawal of support. Teka muna, may kaibahan nga ba ang dalawang ito?
Sa totoo lang, wala pa naman talagang nagtagumpay na kudeta rito sa ating bansa. Ang mga nagtangkang nabigo ay naparusahan at napatawad na rin. Sa dako naman ng withdrawal of support, nagawa na yan ni dating Presidente Fidel Ramos, ni Senador Ping Lacson at ni Secretary Angelo Reyes. At hindi ba ginawa rin yan ni Mrs. Gloria Macapagal Arroyo kaya niya napalitan si dating Presidente Joseph Estrada?
Kung talagang kasalanan o krimen ang withdrawal of support, dapat kinulong na rin sina Ramos, Lacson, Reyes at si Mrs. Arroyo, ngunit kita nyo naman, naging malaya sila at umakyat pa sa matataas na puwesto. Going back to Danny Lim, ano nga kaya ang ikakaso sa kanya? Hanggang ngayon, under custody pa rin siya at wala pa namang maisampang kaso. Sa totoo rin lang, kung tumagal pa yan, dapat siya na ang magsampa ng kaso ng illegal detention.
Maaari nga kayang kasuhan ng kudeta si Lim? Maaari nga bang magsagawa ng kudeta ang iisang tao lamang? Siya ba ay hinuli sa ilalim ng poder ng "state of national emergency"? Kung ganoon, dapat pawalan na talaga siya, dahil lifted na rin ang Proclamation 1017. Hinuli ba siya under sa military justice system? Kung hinuli siya under sa civilian law, may limit ang araw na maari siyang ma-detain at dapat pawalan na nga talaga siya kung wala namang maisampang kaso.