PNP makamandag na kalaban ni Pres. GMA

SA mga gustong mawala si Presidente Arroyo, matutupad marahil ang gusto ninyo with the help of the Philippine National Police and it’s calculated intentional blunders that trigger national indignation against the President.

Analysis
ko lang ito and I might be wrong. Hindi ang oposisyon ang pinakamakamandag na kalaban ni Presidente Gloria Arroyo kundi ang Philippine National Police (PNP). May mga disimuladong estratehiya ito (sa tingin ko lang) upang pabagsakin ang rehimeng Arroyo. Baka (baka lang) ang PNP ang may alyansa sa mga elementong kalaban ng pamahalaan na ibig patalsikin sa estado-poder ang Pangulo.

Ang mga sunud-sunod na kapalpakan ng pulisya ay gumagatong sa poot ng mamamayan sa buong administrasyon. Hindi ako makapaniwala na ang institusyong tulad ng PNP na pinamumunuan ng mga matatalino at aral na Police Generals tulad ni NRCPO Chief, Gen. Vidal Querol at iba pang opisyal ay makagagawa ng ganyang monumental stupidity. Pinakahuli rito ang pagkaladkad kay Akbayan Partylist Rep. Riza Hontiveros Baraquel dahil diumano sa pangunguna sa isang rally nang walang permiso. Napabalitang inaresto ang lady Solon for illegal assembly.

Tapos itinanggi ito ng PNP na nagsabing "inimbitahan" lang si Baraquel. Na-realize kasi ng PNP na labag sa batas na arestuhin ang isang Kongresista kung may sesyon ang Kongreso at ang ikinakaso ay may katapat na parusang mababa sa 6-taong pagkabilanggo. Ergo, iginiit na "inimbitahan" lang ang mambabatas. Inimbitahan? Nalathala sa mga diyaryo ang retrato ni Baraquel na puwersahang binuhat ng mga pulis para dalhin sa Camp Karingal. Inilagay sa matinding kahihiyan ang isang mambabatas. Sa tingin ko (tingin ko lang) kidnapping iyan.

Isa pang palpak ay ang operasyon kamakailan ng Traffic Management Group (TMG). Niratrat ng mga "gunggong" na operatiba ng TMG ang isang motoristang business executive. Napagkamalang carnapper. Ha? Kuwidaw kayong nagdi-drive ng bagong kotse at baka mapatay kayo ng mga hunghang. Buti na lang hindi namatay ang lalaki na nagbantang magdedemanda. Nag-sorry naman ang pamunuan ng TMG pero too late the hero wika nga. Sa PNP ba o TMG nagalit ang tao? Hindi, kundi sa buong administrasyon na tila di makontrol ang sari- ling kapulisan.

Maaaring maganda ang intensyon ni Gloria pero kung winawasak siya ng mga taong nasa ibang sangay ng pamahalaan tulad ng PNP, malamang talaga’y bumagsak siya nang wala sa oras.

Show comments