Mula nang pausuhin ni dating Sen. Gregorio Honasan ang kudeta noong panahon ni dating President Corazon Aquino, naging aandap-andap na ang kalooban ng taumbayan. Walang tigil na pagkukudeta ang isinagawa ni Honasan kasama ang miyembro ng Reform the Armed Forces Movement (RAM). Sa kudeta noong December 1989 may mga namatay at nalumpo ang ekonomiya. Natakot ang mga foreign investors at nag-alisan.
Pero sa ginawa ni Honasan, nanatiling malambot ang gobyerno. Walang natanggap na mabigat na parusa si Honasan. Ikinulong lang sa barkong nasa laot.
Tumakas muli si Honasan. Kinasuhan ng rebelyon pero wala ring nangyari. Nang tumakbong senador, ibinoto pa ng mga tao. Hanggang ngayon kapag may pumuputok na kudeta, ang pangalan ni Honasan ang nasasambit.
Ang inumpisahan ni Honasan ay ginaya ng mga young officers ng grupong Magdalo. Kinubkob ng Magdalo ang Oakwood Hotel sa Makati City dalawang taon na ang nakararaan. Hindi nagtagal ang mutiny sapagkat sumuko rin ang Magdalo. Ikinulong pero may limang tumakas. Nahuli na ang dalawa.
Masyadong malambot ang gobyerno sa mga opisyal at sundalong nagkukudeta. Kapag nahuli ang nagpaplano ng kudeta, parurusahan lamang nang magaan.
Naamoy ang isasagawang kudeta umano ni Brig. Gen. Danilo Lim, commander ng Armys Scout Rangers noong Biyernes. Nadawit sa nabigong kudeta ang pangalan ni Marine Col. Ariel Querubin. Makalipas ang dalawang araw, nagkaroon ng standoff sa Fort Bonifacio at lumutang na naman ang nag-aalburutong si Querubin.
Sina Lim at Querubin ay matagal nang nauugnay sa kudeta, pero ang nakapagtataka, bakit nasa serbisyo pa sila. Kung ang mga nagkukudeta ay agad pinarurusahan nang mabigat, meron pa kayang problema.
Dapat na maging matigas ang gobyerno sa mga grupong naghahasik ng kaguluhan. Hindi puwede ang baklang desisyon sa mga nang-aagaw ng kapangyarihan.