Bukod sa nagsawa na ang taumbayan sa paninikil ng diktaduryang Marcos marami ang nagnanais na sa pagpapatalsik dito ay magbubunga ng pagbabago sa buhay. Ang kadahupan ay matatakasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming hanapbuhay. Malulunasan ang nararanasang pagkagutom ng nakararaming Pinoy at magkakaroon ng sariling bahay at lupa.
Subalit makalipas ang 20 taon, hindi pa rin ganap na nakamtan ng nakararaming Pinoy ang inaasam na pagbabago sa kanilang buhay. Ilang Presidente na ang namuno Cory, FVR, Estrada at Arroyo, pero ang hinahangad na maginhawang pamumuhay ay nananatiling mailap. Ang pagkakapit-bisig sa EDSA ay nawalan ng silbi sapagkat ang mga nagpatalsik sa diktadurya ay nananatiling dahop ang pamumuhay, walang sariling bahay at lupa at patuloy na nakakakapit sa patalim.
Ang mga tanging nakalasap lamang ng biyaya ay mga nasa puwesto na hanggang ngayon ay ginagamit pa ang EDSA para sa kanilang pansariling kapakanan. Nang makapuwesto ay tuluyan nang nakalimutan ang tunay na adhikain ng pagkakaroon ng EDSA People Power. Nawala na ang layuning kaya pinatalsik ang abusadong pinuno ay upang maibalik ang kalayaan at nang maibigay sa mamamayan ang matagal na pinapangarap na kaalwanan ng buhay. Tapos na ang kagahaman at kasibaan.
Pero malaking pagkakamali ang nangyari sapagkat ang inaasam ay nauwi lamang sa isang bangungot.
Hindi na nakapagtataka kung bakit wala nang gaanong karisma ang pagdiriwang ng EDSA People Power 1. Para ano pa at magseselebra? Para ano pa ang pagsasaya kung marami naman ang kumakalam ang tiyan sa gutom at unti-unti nang nawawalan ng pag-asa.