Isang linggo na ang nakararaan, pinag-usapan na naman ang Pasig City at siyempre kasama rito si Mayor Eusebio. Sinalakay ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) shabu tiangge sa F. Soriano St., Bgy. Sto. Tomas. Ang tiangge ay malapit lamang sa Police Community Precinct at hindi kalayuan sa City Hall na opisina ni Eusebio. Sa 312 na nahuli, 11 ang menor de edad. May nahuli raw na ilang opisyal at empleyado na Pasig City Hall. Sinabi ni Eusebio na hindi niya alam na may tiangge ng shabu.Maraming shabu paraphernalia, price lists ng shabu, at mga dokumentong ginagamit sa pang-araw-araw na operations ng shabu tiangge.
Ilang araw makaraan ang raid ay ipinagiba ni Eusebio ang tiangge ng shabu. Marami ang nagulat sa ginawa ni Eusebio. Maraming ebidensiya raw ang nasira sa paggiba sa tiangge.
Hindi ang paggiba sa tiangge ang nakagulat sa akin kundi bakit hindi agad nalaman, naamoy o naramdaman ni Eusebio na may tiangge ng shabu sa malapit sa kanyang tanggapan. Abot tanaw lamang iyon. Tatlong taon na raw nag-ooperate ang palengke. Ang hirap paniwalaan ano? Pero totoo. Malapit lang ang tiangge pero hindi nalaman ni Mayor.