Inilapit sa aming tanggapan ni Maritess Bagaman ng Tanza, Cavite ang kaso ng kanyang kapatid na pinaslang na si Jerry Cabuhat, walang asawa at 33 taong gulang.
Isang araw bago maganap ang umanoy pamamaril ng mga suspek sa biktima nagkaroon ng away sa isang kasiyahan, birthday ng isang kamag-anak noong ika-25 ng Nobyembre 2005. Dumating ang isa sa mga suspek, si Cesar Aron kasama ang iba pa at nakiisa sa inuman sa kabila na hindi naman umano ito imbitado.
"Kilalang basagulero itong si Cesar sa aming lugar. Walang kinatatakutan at talagang siga," sabi ni Maritess.
Marahil sa sobrang kalasingan nitoy naghamon na ito ng away sa isa sa mga bisita sa nasabing kasiyahan hanggang sa nagkagulo. Sina Cesar at Ronnel, nakababatang kapatid ng biktima ang nagpang-abot. Naawat ang kaguluhan maliban na lamang kina Cesar at Ronnel na wala umanong makapigil sa pag-aaway nito.
"Patuloy pa rin sa pagsusuntukan ang dalawa hanggang sa dumating na ang Kuya Jerry ko para silay awatin. Tinanong daw nito kung bakit hindi sila makayang maawat at pilit nang pinaglalayo ang dalawa," salaysay ni Maritess.
Dahil sa pag-aaway ng dalawa, lumalabas na nadehado si Cesar matapos nitong magtamo ng sugat mula sa pag-aaway nila ni Ronnel. Kinabukasan, ipinatawag ang dalawa sa barangay upang pag-ayusin ang dalawang partido subalit hindi umano nakarating si Ronnel.
"Natapos ang paghaharap nang hindi sumipot si Ronnel. Wala pa kasi yung magsasamang tiyuhin naming si Tommy Cabuhat kaya personal na lamang nitong kinausap si Cesar para ayusin ang namagitang gulo sa kanila," sabi ni Maritess.
Humingi ng dispensa si Tommy kay Cesar at sinabi nitong siya naman ang nauna sa naganap na kaguluhan kaya mas makabubuting kalimutan na ang nangyari. Inakala ng kaanak ni Ronnel na maayos na ang lahat subalit hindi nila alam na pagkatapos noon ay sa isang karumal-dumal na krimen hahantong ang lahat.
"Sa pagitan ng alas-7 hanggang alas-8 ng gabi nang kumain sa karinderya ang Kuya Jerry ko. Katiwala kasi siya sa bilyaran na pag-aari ng aming pinsan, si Fredo. Hindi alam ng kapatid na pinatapos lang pala ang kanyang pagkain ng mga suspek," sabi ni Maritess.
Pagtayo nito sa kinauupuan bigla na lamang umanong pinaghahampas ang biktima ng magkakapatid na Aron sina Cesar, Christopher at Ronnel. Hinarang ang daanan at isinara ang gate ng nasabing karinderya at saka pinagtulung-tulungan ng magkakapatid na gulpihin at saksakin sa puso ang biktima.
"Pagpasok ng mga suspek sa karinderya nagsabi na daw ang mga ito na walang makikialam kaya wala na ring naglakas-loob na tumulong sa kapatid ko dahil sa takot na sila naman ang pagbalingan ng magkakapatid. Bugbog-sarado daw ang inabot ni Kuya Jerry at noong masaksak na ito ay saka pa lamang sila nagtakbuhan palayo sa pinangyarihan ng krimen," salaysay ni Maritess.
Samantala nagkataon namang napadaan ang pinsan ni Jerry, si Jesus Cabuhat kasama ang asawa nito. Nakita umano nito na nagtatakbuhan ang mga suspek na sina Cesar, Christopher at Ronnel pauwi sa bahay nito. Si Christopher umano ang nakita ni Jesus na may dala-dalang patalim habang papalayo sa pinangyarihan ng krimen.
"Humingi ng tulong ang kapatid ko sa pinsan ko na dalhin siya sa ospital at agad naman niya itong isinakay sa kotse pero pagdating pa lang ng ospital ay binawian na rin ito ng buhay," sabi ni Maritess.
Isang saksak sa dibdib ang naging sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima. Agad namang inireport ang nangyaring krimen sa himpilan ng pulis subalit mabilis ring nakatakas ang mga suspek.
Ayon kay Maritess, sa dinami-dami ng mga taong nakasaksi sa pangyayari walang gustong magbigay ng salaysay. Katuwiran umano ng mga ito ay ayaw nilang madamay dito.
Halos dalawang buwan din ang kanilang hinintay para sa unang preliminary investigation sa kasong ito.
"Pabalik-balik ako kay Fiscal Ernesto Vida upang magtanong kung kailan ang preliminary investigation. Hindi ako nawalan ng pag-asa bagamat may katagalan ang aming paghihintay, makamit lang namin ang katarungan para sa namatay naming kapatid," pahayag ni Maritess.
Hangad ni Maritess na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanyang kapatid. Umaasa din siya na magiging mabilis ang pag-usad ng kaso upang pagbayaran ng mga suspek ang kanilang ginawa.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa Jr., Chief, Subdivision and Consolidation Division ng LRA.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Abangan ang ibat ibang isyung tatalakayin sa aming radio program HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, State Prosecutor II Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.