Nagsadya sa aming tanggapan si Allan Alba ng Dasmariñas, Cavite upang humingi ng tulong hinggil sa kaso ng kanyang bayaw na pinatay at sa pagkakasangkot nito sa nangyaring insidente.
Ika-24 ng Mayo 2005 bandang alas-8 ng gabi dumating sa bahay ang kanyang pamangking si Niel Adam at Jerome Mercido. Nagsumbong si Jerome na bigla na lamang umanong sinuntok siya ni Mark Anthony Andaya at mga kasamahan nitong sina Joseph Christian Cuadra, Glen Guevarra at Joven Dagaojo sa Burger Machine sa loob ng Mabuhay Homes Subdivision, Paliparan sa nabanggit na bayan.
"Hindi naman taga-loob ng subdivision ang mga tropang nanuntok sa pamangkin ko. Mga taga-labas sila at kilalang magugulo at mahilig makipag-away ang mga kabataang ito," kuwento ni Allan.
Lumabas si Allan at ang biktimang si Winniefredo upang kausapin at tanungin kung bakit sila nanuntok. Hindi pa umano nakakalapit ang dalawa ay bigla na lamang silang sinugod at pinagbabato hanggang sa nagkagulo at nagkasuntukan.
"Habang nakikipagsuntukan ako noon kay Joseph Christian bigla na lang akong natumba at nakita ko si Joven na may hawak na bato at ibabasak sa ulo ko," salaysay ni Allan.
Sa kabutihang palad ay nakailag si Allan subalit tumama naman ito sa kanyang kanang balikat. Patuloy pa rin ang batuhan hanggang sa nakita umano ni Allan na may hawak na kutsilyo si Joven.
"Inabot ni Joven kay Mark Anthony ang kutsilyo at itoy sinaksak naman ang bayaw ko sa bandang tagiliran nito at sumigaw na ito na Allan may tama ako!," sabi ni Allan.
Pinagtulungan umano nina Mark Anthony, Joseph Christian, Glen at Joven si Winniefredo hanggang sa mapayakap ito kay Mark Anthony. Naagaw ni Winniefredo ang kutsilyo kay Mark Anthony at nasaksak din nito ang huli hanggang sa sabay silang bumagsak.
"Nang makita ko na duguan ang bayaw ko tumakbo ako sa bahay at kinuha ko ang sasakyan upang dalhin ito sa ospital," sabi ni Allan.
Sa kasamaang palad, binawian na rin ito ng buhay. Samantala ilang sandali ang lumipas dumating din sina Mark Anthony at iba pang mga kasama nito sa J.P. Rizal Hospital. Sinabi ng doktor na parehas nang patay ang dalawa.
"Nakatingin pa sa amin ang mga barkada ni Mark at nagsign-language pa na babarilin at papatayin daw kami," pahayag ni Allan.
Agad din namang inireport ng mga kaanak ni Winniefredo sa himpilan ng pulisya ang insidenteng naganap. Ayon pa kay Allan, sinundan din sila sa police station ng mga magbabarkada at inabangan pa umano sila sa labas.
Samantala lingid umano sa kaalaman ni Allan na siya ang nadidiin sa pagkamatay ni Mark Anthony. Siya ang tinuturo ng mga kasama nito na sumaksak dito.
"Hindi ko alam na noong nasa ospital kami ay may mga barangay tanod at ilang pulis na nagpunta sa aming bahay at hinahanap ako pati ang kapatid kong si Ariel. Kami pa ang nadidiin sa pagkakamatay ni Mark Anthony samantala sila ng bayaw ko ang nagsasaksakan na dahilan ng kanilang pagkamatay," paliwanag ni Allan.
Ika-25 ng Mayo 2005 ng umaga namataan ng mga barangay tanod ang isa pang inaakusahang pumatay kay Mark Anthony, ang kapatid ni Allan na si Ariel. Kusang-loob namang sumama si Ariel sa paniniwala nitong wala umano siyang kasalanan sa nangyaring krimen.
"Hanggang ngayon ay pinagbabantaan pa rin kami ng mga ito kaya minabuti na rin naming lisanin ang lugar na yon upang umiwas na rin. Sinarudahan na rin ng tatay ni Mark Anthony na isang kagawad ng barangay sa aming lugar ang aming tinitirahan sa Cavite. Hanggang ngayon ay naka-padlock pa rin ito at kung babalik daw kami ay papatayin nila kami," sabi ni Allan.
Hangad ng pamilya ni Winniefredo na mabigyan ng hustiya ang nangyaring krimeng ito. Umaasa din sila na mapabilis ang kasong ito upang malaman ang katotohanan sa nangyaring krimen at maging ang kasong isinampa laban kay Allan.
"Sana lumabas ang katotohanan na wala kaming kinalaman sa pagkamatay ni Mark Anthony. Malakas daw ang pamilya nito sa Dasmariñas. Hangad ko rin ang hustisya dahil sa nangyaring ito pati ang pamilya ko ay naaapektuhan din sa mga pangyayari," paliwanag ni Allan.
Para sa may mga problema lupa sa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing araw ng Huwebes. Mayroong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Abangan ang ibat ibang isyung tatalakayin sa aming radio program HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, State Prosecutor II Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.