Katarungan sa tinanggal na manager ng banko

NAGSIMULA ang trabaho ni Tony sa bankong EPCIB mula noong December 3, 1973 hanggang siya ay maging Senior Assistant Manager ng isang branch kung saan tumatanggap siya ng P36,358.52 kada buwan.

Subalit noong March 13, 1998, nakatanggap siya ng memorandum mula sa banko na nagsasabing may irregular clearing of an out of town check ng isa sa mga importanteng kliyente ng banko dahil itinuring ang nasabing tseke bilang local clearing check. Nadiskubre rin habang isinasagawa ang imbestigasyon na may ilang transaksyong nagresulta sa paglabag sa ilang patakaran at alituntunin ng banko kaya nalagay ito sa alanganin sa halagang P23,044,527.88. Bukod dito, napag-alamang ang mga transaksyong ito ay nangyari lamang sa loob ng isang buwan o mula February 2 hanggang March 2, 1998.

Muling nag-isyu ang fact finding officer ng memorandum kung saan hiniling nito ang paliwanag ni Tony tungkol sa natuklasang anomalya.

Nguni’t hindi rin pinaniwalaan ang paliwanag ni Tony. Kaya, makalipas ang 25 taong pagkaka-empleyo ni Tony sa banko, natanggap niya ang isa pang memorandum na nagtapos ng kanyang serbisyo.

Dahil dito, naghain si Tony ng reklamong illegal dismissal with non-payment of overtime pay, premium pay for holiday and rest day, separation pay, retirement benefits, damages and attorney’s fees. At matapos isumite ang position paper, idineklara ng labor arbiter na legal ang pagdismis kay Tony subalit inatasan nito ang banko na magbayad ng P10,000 dahil sa hindi nito pagsunod sa kinakailangang proseso sa pagtatanggal. Kinumpirma ito ng NLRC subalit inatasan nito ang banko na bayaran si Tony ng 13th month pay na P21,209.31. Sinang-ayunan din ng Court of Appeals (CA) ang naging desisyon ng labor arbiter at NLRC na legal nga ang pagdismis kay Tony. Gayunpaman, iginawad ng CA ang separation pay ni Tony. Kinuwestyun ito ng banko dahil legal daw ang pagdismis nila kay Tony ayon na rin sa labor arbiter ng NLRC at CA. Kaya wala raw dapat matanggap na separation pay si Tony. Ang separation pay daw ay binibigay kung hindi legal ang pagtanggal Tama ba ang banko?

MALI.
Totoo nga na ang empleyadong legal na tinanggal sa trabaho ay hindi dapat bayaran ng separation pay. Nguni’t bilang pagtugon sa katarungang panlipunan, maaring bayaran ang separation pay kahit legal ang pagtanggal sa empleyado kung ang basehan ng pagtatanggal ay (1) hindi dahil sa grabeng asal at (2) walang kinalaman sa moralidad. Ang pagtanggal kay Tony ay dahil sa pagkawala ng tiwala hindi dahil sa grabeng asal. Wala rin itong kinalaman sa kanyang moralidad. Lumabag man siya sa polisiya ng banko, ito ay hindi maituturing na pagsisilbi sa kanyang pansariling kapakanan o para sa isang masamang hangarin. Kaya, ang 25 taong serbisyo ni Tony ay isasaalang-alang upang siya ay magawaran ng separation pay (PCIB vs. Abad, G.R. 158045, February 28, 2005, 452 SCRA 579).

Show comments