Ang tinis natin humiyaw na segun lang sa batas ang pagpiit sa 4 na GIs habang nililitis. Pero hindi natin maitaguyod ang batas kay Capt. Nic Faeldon, isa ring Oakwood mutineer na naunang tumakas at pasulpot-sulpot sa kampo ng AFP Southcom at Wescom, at sa PNP headquarters. Ni hindi natin maayos ang mga detention center kaya naagawan ng mga Abu Sayyaf suspect ng susi at baril ang mga guwardiya sa Camp Bagong Diwa, naglipana ang punyal at cell phones sa karsel ng immigration office, at mayat maya ang pagpuga ng bilanggo sa ibat ibang kulungan.
Nililista ko ang mga irony na ito para magising na tayo. Hindi tayo matatag na republika. Malambot tayo. Alam yon ng Amerikano kaya pinagtutulak-tulakan tayo. Alam nila na ang mga pinuno natin ay sasayaw sa kanilang tugtog, dahil mahina ang mga ito: Kalulusot lang ng Pangulo sa impeachment, hindi pa sarado ang usapin sa Garci Tape, lubog ang acceptance ratings ng Administrasyon.
Sang-ayon sa Visiting Forces Agreement, hindi obligado ilipat sa custody ng Pilipinas ang sino man GI na magkasala rito. Kasalanan natin, pumayag tayo sa ganung ayos. Pinirmahan ng ehekutibo at niratipika ng Kongreso natin ang VFA. Pero mababang opisyal lang ng Amerika ang lumagda, at ni hindi ito dumaan sa Kongreso nila. Ganun tayo kahina.
At ngayong binabastos ng Amarika ang ating batas, ni hindi natin kayang ibasura ang VFA. Hindi rin natin kaya suspindihin ang joint RP-US military exercises. Katwiran natin, kailangang matutunan ang galing at maawitan ang lumang kagamitang panggiyera ng Amerika. Kumbaga, walang karapatang umangal ang pulubi.
Sa kalakaran ng mga bansa, ang malakas ay nananaig. Bubot pa tayo. Kailangan maging matatag na republika muna tayo, para pansinin.