Pero gusto ko mang kalimutan ang kalikasan at kapaligiran ay hindi puwede. Laging may magpapaalala sa akin nito. Kabilang na rito ang maraming kompanya, kooperatiba at organisasyon na apektado ng aking pagkansela kamakailan sa mahigit na walong libong mga kontrata at kasunduan hinggil sa pagtotroso na balak magdemanda o may media pronouncements laban sa akin. Ito ay matapos kong kanselahin ang kanilang kontrata na may kinalaman sa kagubatan.
Sa kabilang dako naman, mas maraming tao at komunidad ang maaapektuhan kung hindi ginawa ang gayong hakbang.
Marami na ang nasalanta dahil sa walang pakundangang pagtotroso. Ang mga nakalbo nang kagubatan ay mangangailangan ng mahabang panahon upang mapanumbalik ang dating sigla - kung ito man ay possible pa, dahil kadalasan ay nawawala ang sustansiya ng lupa kapag nawala ang kakahuyan.
Ginawa ko ang pagkansela dahil hindi tinupad o lumabag sa mga kondisyon ng kontrata o kasunduan. Umaabot sa dalawang milyong ektarya ng kagubatan ang pinag-uusapan dito.
Maraming buwan ang ginugol ng DENR sa pagsu-suri sa mga industrial forest management agreements (IFMA), industrial tree plantation lease agreements (ITPLAs), socialized industrial forest management agreements (SIFMAs), at community-based forest management agreements (CBFMAs). May kabuuang 3,767 na mga kontrata ang nakansela; ang mga itoy itinuturing na small at medium scale. Dagdag pa rito ang 5,000 mga bagong aplikasyon, dahil sa kapasiyahan na hindi na magbigay pa ng mga karagdagang pahintulot sa pagtotroso.
Dapat linawin na ang pahintulot o lisensya sa pagtotroso ay hindi isang karapatan kundi isang prebilihiyo lamang, na anumang oras ay maaaring bawiin, kanselahin o pawalang bisa ng pamahalaan, lalo nat may kapabayaan o pag binusabos ang kagubatan.