Di nga ba ang isyung wiretapping ang kamuntik nang naging dahilan upang mapatalsik si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Malacañang? Ito nga lang ang pagkakaiba sa dalawang kontrobersya. Sa Pilipinas, ang pangulo mismo ng bansa ang target ng wiretapping samantalang sa US, baligtad naman, ang presidente diumano ang nagwa-wiretap at mga mamamayan ang wina-wiretap at sila ang nagrereklamo. Sa Pinas, hindi naghahain ng kaso ang pangulo, ang biktima ng wiretapping.
Sa US, sunud-sunod ang mga eskandalo na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno na ang ilan ay mga maimpluwensiyang miyembro ng kongreso na katulad ni US House of Representatives Speaker of the House Tom De Lay, isang malapit na kaalyado ni President George W. Bush. Nagbitiw siya bilang speaker nang dahil sa graft and corruption. Nauna nang nagbitiw si Rep. Cunningham ng San Diego, California na kasalukuyang pinaghaharap ng sakdal nang dahil sa pangungurakot at malamang na makulong ng mahabang panahon kapag napatunayang nagkasala. Ayon sa balita, marami pa ang mga susunod sa dalawang nabanggit. Inaabangan ang mga malalaking pulitiko sa US na maaaring sabit sa kaso ng Washington lobbyist Jack Abramoff.
Dito sa atin sa Pilipinas ay pareho rin ang nangyayari, di po ba? May mga isyu rin ng graft and corruption. Sa katunayan nga, harap-harapan nang pinagdudukdukan na ilang mga pulitiko na malapit pa nga ang ilan sa Malacañang ang ipinagsasakdal ng pangungurakot. Dito nga lang nagkakaiba sa US at sa Pilipinas, maaaring pareho ang mga isyu at kontrobersya subalit iba ang kinalalabasan. Sa US, umaamin ang nagkakasala. Sa Pilipinas, nagse-self-exile na lang sa abroad at tanggi-to-death na sila ay nagkasala.
Talaga namang nakakagulat sapagkat maraming kaganapan dito sa Pilipinas na ganuon rin ang nagaganap sa US subalit magkaiba ang nagiging resulta. Bakit kaya ganito? Bakit madali at marunong umamin ng pagkakasala ang mga Amerikano at mahirap para sa mga Pilipino? May kinalaman ba ang kultura dito? Likas bang sinungaling ang mga Pinoy? Bakit? Bakit? Bakit?