Panibagong sigla

Mas pinaigting ng Department of Environment and Natural Resources ang kampanya laban sa basura. Limang kongkretong solusyon ang pinagtutuunan ng higit na pansin.

Una ay ang pagtataguyod ng tamang sistema sa pangangasiwa ng basura. Pangalawa, ang pagsasara at pagsasaayos sa mga open dumpsites. Ikatlo, ang pagtuklas at paggamit ng mga teknolohiya sa pagpo-proseso ng ating mga panapon (residuals). Ikaapat, ang pagpapasunod sa disposal facilities at sanitary landfills. At ikalima, ang klasipikasyon at dibersyon ng basura (waste classification and diversion).

Noong sinaunang panahon, simple lang ang tingin sa basura, dahil maraming pagtatapunan. Ngunit nang lumaon ay naging problema na ang basura, dahil sa pagdagsa at pagdami ng mga tao sa kalunsuran. Kalat dito, tapon doon, tambak kahit saan, kahit bawal. Kaya’t kinailangan nang pangasiwaan ang mas maayos na pangongolekta, paghahakot at pagtatapunan ng basura. Inuudyukan din namin ang mamamayan na bawasan ang paglikha ng basura, at ang pag-re-recycle sa mga panapon na maaari pang gamitin nang paulit-ulit. Dapat din nating paghiwalayin ang mga nabubulok at hindi nabubulok na basura.

Dagdag pa dito, nakipag-ugnayan din ang DENR, sa pangunguna ng Secretariat ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC), sa mga NGO, sa mga kasapi ng industriya ng recycling, sa Department of Science and Technology (DOST), at sa Japan International Cooperation Agency (JICA). Ito ay pinangungunahan ni Atty. Zoilo L. Andin, Jr., ang aking head executive assistant na siya ring executive director ng Secretariat ng NSWMC. Ang layon: makatuklas ng mga alternatibong paraan sa tamang pangangasiwa ng basura.

Binubuo na ngayon ang listahan ng mga produktong nakasisira sa kalikasan (non-environmentally acceptable products). Kasabay ito ng pagbuo ng komprehensibong National Environment Health Action Plan at ng proyektong Food Banking, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development, Kabisig ng Lahi, National Nutrition Council ng Department of Agriculture, at Goldilocks.

Isang adhikain ng DENR na mabawasan pa ang mga basurang kailangang kolektahin araw-araw. Sana nga ay maabot natin ang "zero-waste." Kaya’t dapat pang palawigin ang operasyon ng NSWMC sa bawat rehiyon, upang maging mas epektibo, mabilisan at mas madali ang pagsasagawa ng ating kampanya laban sa basura.

Kamakailan ay aking tinipon ang mga opisyal ng DENR at mga coordinator sa tamang pangangasiwa ng basura upang mapabilis ang paggawad ng tulong teknikal sa ating mga pamahalaang lokal. Inaasahan na ang mga kaalaman na naipaabot sa mga pamahalaang lokal ay maipaparating hanggang sa mga barangay. Binigyan nga naman ng mas mabigat na responsibilidad sa pangangasiwa ng basura ang mga pamahalaang lokal, kaya’t dapat din silang mabigyan ng kaukulang kaalaman at kakayahang teknikal.

Magiging lubos lamang ang ating tagumpay laban sa basura kung ang ating mga mamamayan ay makikipagtulungan. Huwag po nating pahintulutan sinuman na lumabag sa kalinisan at kaayusan ng ating kapaligiran.

Show comments