Ang kanyang ama ay isang karpintero na ang kinikita ay hindi makasapat sa kanilang pangangailangan. Ang kanyang ina naman ay nagtatrabaho sa isang canteen. Pero hindi matakaw, masiba at gahaman ang Grade 6 student ng Tomas Morato Elementary School, Kamuning, Quezon City na si Cristina o mas kilala sa palayaw na Tinay. Sabi niya: "Ang unang naisip ko nang mapulot ang pera ay maisauli ito sa may-ari. Kawawa naman siya at baka matanggal sa trabaho "
Nakikipagkuwentuhan si Tinay sa kanyang kaibigan sa T. Gener St. Kamuning nang makitang nalaglag sa isang lalaking naka-motorsiklo ang mga bungkos ng pera at may kasamang tseke. Pinulot niya ang mga iyon at sinikap na tawagin ang lalaking may-ari niyon subalit mabilis ang pagpapatakbo at hindi napansin ang sumisigaw na si Tinay.
Umuwi si Tinay at kaagad na sinabi sa kanyang mga magulang ang napulot na pera at tseke. Halos malula ang kanyang ama at ina sa maraming perang napulot. Noon lamang sila nakakita ng ganoon karaming pera.
Maraming mga kapitbahay ni Tinay ang nagpayo na huwag nang isauli ang pera at paghati-hatian na lamang nila. Pero hindi nakinig si Tinay sa sulsol ng mga kapitbahay, bagkus ay nagpumilit na makita ang may-ari at nang maibalik ang pera.
Magandang halimbawa si Tinay na isinauli ang hindi sa kanya. Sa panahon ngayon na kabi-kabila ang mga nangyayaring katiwalian sa pamahalaan, magandang pambukas ng isipan ang ginawa niya. Hindi nasilaw sa pera si Tinay. At hindi pala iyon ang unang pagkakataon na nagsauli ng napulot na pera si Tinay. Noong nakaraang taon, isinauli niya ang napulot na P5,000 sa isang newspaper vendor at noong 2004, isinauli niya ang P1,000 na naiwan ng isang pasahero sa tricycle. Hindi kailanman pinag-interesan ni Tinay ang hindi kanya.
Mas mabuti si Tinay kaysa sa mga matatakaw na opisyal sa Customs, BIR, DPWH at Immigration. Kung ang katulad ni Tinay ang mapupuwesto sa pamahalaan, nakatitiyak na uunlad na ang bansang ito. Makakamtan na ng mamamayan ang kanilang pinapangarap. Masusulit na ang ibinabayad na tax.
Sana ay marami pang Tinay Bugayon na sumulpot sa ngayong panahon. Sana ay marami pang katulad niya ang magpamalas ng kabutihan para magbigay halimbawa sa mga tiwali sa pamahalaan.