Ang pag-asa ay kailanmay di-nawawala sa isang taong patuloy na nananalig sa isang Makapangyarihang Lumikha na di-nagpapabaya sa kanyang mga nilikha mga tao man o mga bagay. Kung kaya ang ating pag-asa ay: Na ang ating pampulitikang sitwasyon ay mas magiging maaliwalas para sa mga taong patuloy na naniniwala sa mga demokratikong mga pamamaraan; na ang ating pang-ekonomiyang kalagayan ay unti-unting uunlad; na magkakaroon ng mas higit na katarungan at pagkakapantay-pantay sa larangan ng mga serbisyo at mga oportunidad; na ang ating mga panlipunang kalakaran ay higit na magpapairal ng kasapatan na edukasyon para sa ating mga kabataan, ang ating lipunan ay mas magiging bukas, masigla sa pagtataguyod at pagtatanggol ng mga karapatang-pantao lalo na ng mga bata, kabataan, kababaihan at mga katandaan; na sa larangang espirituwal, tayong lahat ay mas maging maka-Diyos at maka-kapwa.
Subalit ang pag-asa ding ito ang nagbubunsod sa atin na maging mulat at bukas sa mga pahirap, kahirapang daranasin natin habang ating itinataguyod ang mga positibo at maseselang usapin. Na hindi tayo dapat patalo sa mga pagsubok na darating sa atin ito may dulot ng kalikasan, kapwa-tao o nang mismong ating mga sarili.
Tunay ngang marami tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos, sapagkat habang ang tao ay may buhay, mayroong pag-asa. At habang may pag-asa, tiyak na laging may bagong pagkakataon, bagong sitwasyong tiyak na makasosorpresa sa atin, at sa ganoon, parating may bagong araw, bagong taon.
Maraming salamat sa mga walang sawang tumatangkilik sa Pili-pino Star NGAYON. Patuloy ang aming paglilingkod sa inyo.