Napansin kasi namin na nagkalat ang mga plastik bag na pagkatapos gamitin ng minsan lamang ay ibinabasura na. At sa panahon ng Kapaskuhan, gabundok na plastik ang ginagamit, ang ibinabasura.
Napakarami talagang silbi ng plastik sa ating pang-araw-araw na buhay. Convenient at versatile ito, wika nga. Magaan na ang timbang, magaan pa ito sa bulsa kaya hindi tayo nanghihinayang na itapon na lang basta.
Sa pamamalengke lamang, hiwa-hiwalay na plastik ang ginagamit na pambalot sa isda, sa karne, sa gulay, sa sibuyas, sa bawang, atbp. Hiwalay pa rito ang plastic na pambalot sa lahat ng pinamili. Karamihan sa mga ginamit na plastik ay agad na nauuwi sa basurahan. Ngunit sa ibang mga pook, tila doon na sa mga kanal o ilog itinatapon ang mga ito.
Ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay hindi lisensiya upang magpakabusabos. Hindi dahilan ang Kapaskuhan upang walanghiyain ang kapaligiran at dumihan ang kalikasan. Paglabag pa nga sa okasyong ito ang pagiging iresponsable. Kalat dito, kalat doon, kalat saanman ang ginagawa ng iba. At sa marumi at mabahong kapaligiran ay iba ang sinisisi, gaya ng pamahalaang lokal.
Kung ayaw nating maging bundok ang basura sa kanto, maging maagap tayo. Bawasan natin ang paglikha ng basura; hindi lahat ng bagay ay kinakailangan na itapon kaagad, sapagkat maaaring magamit o pakinabangan pa ang marami rito.
Kung tayo ay masinop, gaganda ang ating mga tahanan at komunidad. Magiging kaaya-aya pa ang mga ito sa ating kalusugan. At kapag malinis ang kapaligiran, manunumbalik ang sigla ng kalikasan, ang sigla ng ating buhay.