At hindi naman maitatanggi na tuloy ang ligaya ng mga patakbuhing kompanyang ito sa ibat ibang sangay ng LTO. Hindi naman tayo agad huhusga na protektor si Ms. Escobillo sa ganyang gawain kaya tinatawagan natin siya ng pansin na lansagin ang mga sindikato at linisin ang kanyang pangalan.
Malakas na negosyo ang pagbebenta ng pekeng CTPL. Sa kabuuan, P2.5 bilyon ang naibentang CTPL noong 2003 pero ang naideklara lang sa gobyerno ay P1.3 bilyon. Ibig sabihin, mahigit sa P1 bilyon ang naibulsa ng sindikato. Mantakin nyo ang malaking revenue na nawawala sa pamahalaan. Grabe.
Sa laki ng kita ng mga hinayupak, may sapat daw silang "lobby money" para protektado ang kanilang spurious activity. Hindi naman siguro papayagan ng isang matinong insurance commissioner na ma-instituitionalize ang mga scammers na ito ano? Pero may sinabi si Ms. Escobillo kamakailan na parang kumukunsinti sa mga ito. Kesyo mawawalan daw ng trabaho ang may 130 libong empleyado sa mga CTPL firms kapag binago ang sistema sa pag-iisyu ng mga CTPL insurance policies.
Kung tutuusin, mga maliliit na "paper companies" lang ang mga iyan na may dalawa o tatlong tauhan na ang ginagawa lang ay maningil at magbulsa ng premium pero hindi nagpo-process ng mga claims. Paanong aabot sa daang libo ang mga tauhan niyan? Mga bogus company ang mga iyan na may maliliit na mesa lang sa labas ng bakuran ng mga LTO branches. Kapag may darating na claimant, mabilis pa sa ipo-ipong nawawala ang mga iyan.
Ang tanong, paano malalaman ng tao na ang kanilang binibilhan ng CTPL insurance ay hindi mga flyby-night kung mananatiling nakahalo ang mga bogus sa mga lehitimong kompanya? Kaya sanay kumilos na habang maaga si Commissioner bago maniwala ang taumbayan na protektor siya ng sindikato.