^

PSN Opinyon

Sakuna na sana’y naiwasan

HINDI PA TAPOS ANG LABAN - Mike Defensor -
KAMAKAILAN, sumambulat ang balita sa pagsabog sa isang minahan ng uling (coal) sa Cebu. Ang coal ay may pagkakaiba sa karaniwang uling na ginagamit sa pag-iihaw o pamamalantsa.

Ang coal ay ginagamit ng mga industriya, tulad ng mga planta ng kuryente at sa paggawa ng bakal. Ginagamit din ang coal sa paggawa ng mga gamot, pataba sa halaman, pestesidyo at iba pang mga bagay. Ang coal, tulad ng petrolyo, ay galing sa mga labi ng mga bagay na napakatagal nang nabaon sa lupa, gaya ng mga sinaunang hayop, halaman at punongkahoy.

Bagama’t inaalam pa ang sanhi ng pagsabog sa Cebu, masasabi kong hindi sana nangyari ang sakunang iyon. Maraming mga sakuna sa mga minahan ang maiiwasan kung may mahigpit na pag-iingat ang mga minero at kompanyang nasasangkot.

Marami nang namatay sa mga sakuna sa pagmimina ng coal. Karamihan sa mga ito ay sanhi ng pagsabog. Paano nangyayari ito?

Sa pagmimina ng uling, hindi maiiwasan na may mga pinong pulbos ng coal na lumulutang sa hangin; maaari ring may sumingaw na gas (kadalasan ay methane) na kundi man nakalalason ay maaari namang magliyab. Magkaroon lamang ng kislap ng apoy —- halimbawa, mula sa pagsindi ng sigarilyo, gasera, o sa pagdaplis ng piko sa bato – ay maaaring sumambulat ang hangin sa isang kisapmata. Maging ang mga makinaryang ginagamit sa pagmimina ay maaaring mag-init at maging sanhi ng sunog. Halos katumbas ng sumingaw na tangke ng gas ang hangin sa loob ng minahan – o tila tangke na nga ng gas ang minahan. Gayunpaman, ang paggamit ng maliit na apoy ay isang paraan upang malaman kung may panganib sa minahan: Kapag lumaki ang apoy, may methane sa tunnel, at kapag namatay naman ito, ay carbon dioxide ang nakaambang panganib.

Kaya nga’t dapat ay maayos ang pagpapalit ng hangin sa loob ng minahan, lalo na iyong nasa mga tunnel. Sa mga minahan na pinaghihinalaang nagtataglay ng mapanganib na methane gas, dapat na pasingawin muna ang gas na ito bago ipagpatuloy ang pagmimina. Kapag carbon dioxide o ang mabahong hydrogen sulfide (na amoy bulok na itlog) naman ang panganib, dapat na mapalitan ito ng sariwang hangin na mula sa labas ng tunnel.

Upang maiwasan naman ang pagsambulat nang napulbos na uling na lumulutang sa hangin, dapat na binabasa muna ng tubig ang uling na miminahin. Hindi lamang ang pagsambulat ang panganib na dulot ng pulbos na ito; kapag ito ay nalanghap ng mga minero, nakasisira rin ito ng kanilang kalusugan.

Maging sa ibayong dagat, ang pagmimina ng uling ay pangunahing sanhi ng kamatayan sa industriya ng pagmimina, kung ikukumpara sa pagmimina ng iba pang mga kayamanan, tulad ng bakal. Nitong nagdaang siglo, libu-libo ang namatay sa Amerika dahil sa mga pagsabog sa mga minahan ng uling. Noong 1907, 361 ang namatay sa ganitong pagsabog sa Monongah, West Virginia, at 239 naman sa Jacob’s Creek, Pennsylvania. Noong 1913, 263 ang nasawi sa Dawson, Illinois. Kung pagsama-samahin, aabot sa 100,000 ang bilang ng minerong namatay sa pagmimina ng uling sa buong mundo mula noong 1900.

Sa mga pamilya ng mga nasawi sa Cebu, ako po ay taus-pusong nakikiramay. Sana’y kapulutan ng aral ang kanilang sinapit, at sana’y panagutan ng mga dapat managot ang trahedyang ito.

CEBU

COAL

KAPAG

MINAHAN

NOONG

PAGMIMINA

ULING

WEST VIRGINIA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with