Iyan ang problema ng mga minority stockholders ng Philcomsat Holdings Corporation (PHC) dahil sa pagtutol ng naturang kompanya na magdaos ng stockholders meeting para sa taong ito. Ano kayang anomalya ang nangyayari, tanong nila?
Naghihinala sila na ang pangasiwaan ng grupo ni Manuel Nieto Jr. na presidente at ng chairman ng board of director na si Benito Araneta ay pinagtatakpan ang mabilis na pagkaubos ng pananalapi ng kompanya.
Nangunguna sa mga stockholders si Victor Africa. At hindi natin siya masisising magduda. Ang alinmang kompanya na publicly listed ay kailangang may transparency. Bukas ang libro para masuri lalo na ng mga may sosyo rito. Isang responsibilidad iyan na hindi natutu-gunan ng PHC. Si Africa ay matagal nang stockholder ng Liberty Mines Inc. sapul pa nung 1978 hanggang sa ang kompanyay makuha ng Philippine Communications Satellite Corp. at naging Philcomsat Holdings. Hindi ito ang unang pagkakataon na tumanggi ang grupo ni Nieto sa stockholders meeting. Noong nakaraang taon, kinailangan pang hingin ang tulong ng Securities and Exchange Corp. para brasuhin ang PHC na magpatawag ng ganyang pulong.
Pero hindi puwedeng itago ang lahat ng baho. Isang rekisitos ng Philippine Stock Exchange (PSE) na ang mga nakalistang korporasyon ay magsumite ng financial report tuwing ikatlong buwan. At ayon sa report ng PHC, sa unang tatlong buwan ng taong ito, ang income nito mula Enero hanggang Setyembre 2005 ay bumagsak ng 37.45 percent. Naging P15 milyon lang kumpara sa P23.98 milyon sa katulad na panahon nung sinundang taon.
Nagpapasasa pala ang mga opisyal nito sa malalaking representation allowance, entertainment at iba pang benepisyo. Ang PHC ay 81 porsyentong pag-aari ng Philippine Communications Satellite Corp. at ditoy may 35-porsyentong sosyo ang pamahalaan. Kaya dapat pagmalasakitan ng taumbayan ito porke 26 porsyento ang sapi ng gobyerno sa PHC.