Sagot naman ng kabila, hindi pa naisasara ang mga isyu. Wala pang closure sa Garci wiretap CD miski lumitaw na si Virgilio Garcillano dahil nagbulaan lang siya. Dapat lang alamin kung saan napunta ang P3 bilyon pondo pang-fertilizer. Pasko man o hindi, anila, dapat itaguyod ang batas sa pananagutan ng mga opisyales sa taumbayan - bumagsak man o hindi ang Administrasyong Arroyo.
Sa kasaysayan ng bansa hindi naghihimagsik ang tao kung palapit ang Pasko. Idadaos muna ang araw. Pero pagkalipas ng Pasko, rebolusyon na! Agosto 1896 nang nagsunog sina Bonifacio ng sedula sa Pugad Lawin, pero Pebrero 1897 na nang naglunsad sila ng sunod-sunod na opensiba sa mga tropang Kastila. Pebrero rin, 1899, nang sumiklab ang Filipino-American War. Mayo 1935 nang pumutok ang Sakdal Rebellion sa Central Luzon, pero Enero-Marso ito pinlano ng mga magsasaka. Enero-Marso rin nang tumindig ang kabataan laban kay Marcos, tinawag na First Quarter Storm of 1970. Peb. 22-25, 1986 ang EDSA-1 people power revolt; Ene. 16-20, 2001 naman ang EDSA-2.
Hinala ng unang sektor na nilalatag na ngayon pa lang panahon ng Pasko ang agitation kontra-GMA pero patitindihin ito paglipas ng holiday. At malamang ngang tumindi ang pagka-disgustado ng mamamayan kay GMA, na negative 30 ngayon ang popularity rating.
Problema nga lang, disgustado rin ang taumbayan sa Oposisyon at Senado. Alam nila na nais lang mapuwesto sa Malacañang ng mga kaaway ni GMA. Kaya nga hindi sila sumasama sa mga rally. Ayon sa survey, 9% lang ang naki-rally nung Hulyo: 5% sa Oposisyon, 4% sa Administrasyon.