Para sa kaalaman ni Gen. Lomibao, ganito pala ang nangyari. Maaga pa nang malaman ng taga-Merpo na may nangyaring kidnapping sa Rizal at ang mga kapulisan naman ay nagsagawa ng checkpoint operation para masakote ang mga suspects. Nakarating din sa kaalaman ng mga mediamen na naengkuwentro nga ang mga kidnapper at may namatay sa hanay nila na nakilala kinalaunan na si alyas Edwin Castillo. At para gumanda ang istorya nila, tinawagan nila sa cellphone si Panen para sa detalye. Yaon ay mga bandang 5:30 na ng hapon noong Linggo. Ika nga ay naghihingalo na sa deadline sa mga opisina nila. Nadismaya ang mga taga-MERPO dahil ang isinagot sa kanila ni Panen ay ganito: Pumunta ka na lang sa opisina ko. Ang taga-MERPO ay sa EPD annex pa naka-base at malayo na ang Rizal PNP headquarters na sa Hilltop naman sa Tanay. Kapag namasahe ang mga taga-MERPO, aba aabutin sila ng siyam-siyam bago makarating sa Hilltop. Kaya ang siste, ang kakarampot na detalyeng hawak nila ang pinagdiskitahan ng mga taga-MERPO at presto nawalang parang bula ang media mileage ng PNP sa kaso, he-he-he! Noong si Panen pala ay hepe ng Malabon pa, hindi naman daw ganyan ang ugali niya. Lumaki kaya ang ulo ni Panen? May kinalaman kaya si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai sa pagiging suplado niya?
Kung sabagay tinutuligsa rin ng taga-MERPO si Panen dahil sa biglang pag-relieve niya kay Supt. Gilbert Cruz bilang hepe ng Cainta. Sa tingin kasi ng mga kasamahan ko sa hanapbuhay, may pulitika sa pag-relieve kay Cruz dahil alam naman ng lahat na ang pumalit na si Supt. Pierre Bucsit ay galit sa mga opisyales ng PNP na naka-align kay Sen. Ping Lacson. Miyembro ng RAM si Bucsit at naringgan pa siya na nagsalita na dapat itong mga bataan ni Lacson o dating President Estrada ay hindi makapuwesto at sila na naman ang magiging hari. Saan na ang ipi-nagyabang ni GMA na reconciliation? Pero dapat bago siya magsalita ay nagsalamin muna si Bucsit dahil may uling din pala siya sa mukha. Si Bucsit kasi, na dating hepe ng intelligence ng PNP sa Bicol ay isa sa mga PNP officials na ipinatawag sa Senate hearing sa jueteng. He-he-he! Kung nasa payroll ng gambling lords si Bucsit sa Bicol, ibig sabihin nakalimutan na niya ang ipinaglaban niya? Ngayon, masaya kaya si Bucsit at nakasulot siya ng puwesto ng sa tingin niya ay kalaban niya?
Abangan!