Ang basura, kapag pinangasiwaan nang maayos, ay mapagkukunan ng kayamanan. Ngunit kapag itoy binusabos, itoy magdudulot ng ibat ibang karamdaman, kapangitan ng kapaligiran, at pagkalason ng kalikasan.
Sa halip na hayaang maging mapanira, ang basura ay dapat nating pakinabangan nang lubos.
Ang bagong batas ukol sa basura ay mangangahulugan ng pagsasara ng ilang mga imbakan at ang paglilipat sa mga ito sa mga lugar na mas angkop. Wala akong mawari na magandang dahilan upang may tumutol sa pagsasaayos ng mga ito sa pamamahala ng mga basura ng bayan. Ngunit hindi ako magtataka kung may tututol pa rin, lalo na ang mga taong naninirahan sa mga kalalagyan ng mga bagong imbakan. Lubhang mahirap talaga, kundi man imposible, na mabigyang kasiyahan ang lahat at bawat isa sa ating mga mamamayan.
Sino nga ba naman ang nais na magkaroon ng higanteng basurahan hindi kalayuan sa kanyang tinitirhan? Ang isip kasi ng marami, ang imbakan ng basura ay mabaho, marumi at mapanganib. Isa pa, pamumugaran ito ng mga taong-labas na ang kabuhayan ay nakasalalay sa pamumulot ng mga basura na maaari pang pakinabangan.
Ganoon nga naman noon ang mga imbakan ng basura. Ngunit hindi na ganito ngayon. May mga batas na tayong ipinatutupad upang mapanatiling maayos ang mga imbakan. Gumagamit na tayo ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya upang maibsan ang pangangamoy at mapanirang mga elemento sa ating mga basura. Ang katas ng basura ay hindi na pinapabayaang dumaloy at lumason sa katubigan. Ang walang pakundangang pagsunog ng basura ay ipinagbabawal na, dahil ikinadudumi ito ng hangin.
Kayat sana ay magtulungan tayo sa pagpapatupad ng bagong batas o kautusan ukol sa basura. Para sa kapakanan naman nating lahat ito.