Subalit hindi naniniwala si Angie na panty lamang iyon kaya ini-report niya ito sa kanyang superyor. At sa utos ng kanyang superyor, dinala ni Angie si Charlene sa comfort room na pambabae kasama ang isa pang lady frisker ng airport samantalang naghintay sa labas ang nasabing superyor. Hiniling ni Angie na ilabas na ni Charlene ang bagay na nasa tiyan nito kahit pa patuloy itong tumatanggi. At nang mailabas ni Charlene ang tatlong plastik na pakete, agad na ibinigay ni Angie ang mga ito sa kanyang superyor.
Pagkatapos suriin ang nakumpiskang mga pakete, natuklasan ng NBI chemists na naglalaman ito ng 580.2 grams ng shabu. Kaya, dinala si Charlene sa aviation security office upang doon kunin ang kanyang passport at tiket at buksan ang bagahe. Kinunan din siya ng litrato samantalang ang mga personal niyang kagamitan ay nailista at kinumpiska.
Matapos dinggin ang kaso, napatunayang nagkasala si Charlene at ipinataw sa kanya ang sentensyang reclusion perpetua.
Sa apela ni Charlene, iginiit niyang hindi maaaring gamitin laban sa kanya ang nakumpiskang shabu dahil nilabag daw ang kanyang mga karapatan sa Saligang-Batas. Hindi rin daw siya nabigyan ng pagkakataong matulungan ng isang abogado. Tama ba si Charlene?
MALI. Naaayon sa batas ang naging pag-aresto at pagkapkap kay Charlene. Hindi kinakailangan ang abogado dahil hindi naman sumailalim si Charlene sa isang imbestigasyon at hindi rin siya kinunan ng salaysay. Lehitimo ang nakuhang shabu mula kay Charlene dahil ang isang routine frisk sa airport ay ipinapatupad para sa kaseguruhan at kaligtasan.
Sa katunayan, bukod sa pagkapkap sa mga pasahero bago sumakay ng eroplano, sumasailalim din sila sa metal detectors at ang kanilang mga bagahe ay dumadaan sa x-ray scan. Ang patakarang ito ay ipinatutupad upang maiwasan ang hijacking at terorismo. Sapat din ang pampublikong anunsyo at babala sa tiket ng mga pasahero na sila ay sasailalim sa pagkapkap ng kanilang larawan, at kung sakaling may makuhang bagay mula sa kanila na labag sa batas, ito ay kukumpiskahin. Ang mga anunsyong ito ay nagbibigay sa mga pasahero ng babala na hindi saklaw ng garantiya ng Saligang-Batas laban sa ilegal na pagkapkap at pagkumpiska ang pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan sa mga paliparan.
Ang pag-aresto at pagkapkap kay Charlene ay naaayon sa batas kaya magagamit ang shabu na nakuha mula sa kanya. Sa katunayan, ang pagtataglay ng ipinagbabawal na gamot ay isa nang krimen kaya ang kawalan ng resete at lisensya ni Charlene ay lalong nagpatibay na siya ay lumabag sa batas. Gayunpaman, hindi makatuwiran ang pagkumpiska sa kanyang passport, tiket at bagahe dahil hindi ito nakaw o bunga ng krimen at hindi ito mga bagay na magagamit sa paggawa ng krimen. (Pp vs. Johnson G.R. 138881 December 18, 2000).