Habang marami na ang umaalis, wala namang plano ang gobyerno na maresolba ang problemang ito. Marami nang mga ospital, gobyerno man o pribado ang nagsasara dahil wala silang makuhang doctors at nurses.
Kaunti naman ang mga estudyanteng naka-enrol ngayon sa medisina, subalit maraming nursing students. Marami namang doctor ang naka-enrol sa mga nursing school. Sa halip na pagdodoktor, nurse ang kanilang papasukan sa ibang bansa.
Hindi ko masisisi ang mga doctors at nurses na mag-abroad. Barya lamang ang kanilang kinikita rito sa Pilipinas samantaang sa US, ang average na kinikita ng isang nurse ay $5,000 kada isang buwan, hindi pa kasama ang overtime, incentives at bonuses.
Nangangailangan nang mahigit na kalahating milyong nurses ang US. Sa California ay hindi na malaman ng mga ospital at mga health care facilities kung anong paraan ang gagawin nila para maka-recruit ng nurses.
Patuloy ang exodus ng Pinoy doctors at nurses sa ibang bansa. Mauubos sila. Dapat umaksiyon ang gobyerno sa problemang ito. Dapat kumilos ang mga mambabatas at kalimutan na ang bangayan. Hindi na nila nahaharap ang mga problema ng bansa sapagkat ang pagbabangayan sa pulitika at pansariling kapakanan lamang ang kanilang inaatupag.