EDITORYAL – DENR, taga-protekta o tagawasak ng kapaligiran?

KUNG hindi pa naganap ang mapaminsalang pagbaha at ang pagguho ng lupa sa tatlong bayan sa Quezon at isang bayan sa Aurora noong nakaraang taon, hindi pa marahil matatauhan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ipatitigil ang logging operations sa buong bansa. Maraming namatay at nasirang ari-arian sa Real, Infanta at Gen. Nakar, sa Quezon at sa Dingalan sa Aurora. Hindi malilimutan ng mga residente sa mga nabanggit na lugar ang mala-bangungot na pagragasa ng baha na may kasamang mga troso. Ang lahat ay nangyari dahil sa pag-abuso ng mga logging companies. Kinalbo nila ang kagubatan.

Ang pagkamulat ng DENR sa nangyaring trahedya ay nagbigay naman ng pag-asa sa marami. Sa ginawang pagpapatigil sa logging operations sa buong bansa, inaasahang hindi na mangyayari ang mga trahedya.

Pero marami ang nagkamali sa akalang ito. Isang taon makalipas ang trahedya, ang DENR na rin ang nagbigay ng permiso para may muling makapagtroso. Yes! Ang DENR ang nagbawal at sila rin ang sumusuway!

Isang magandang halimbawa ay ang pagbibigay ng DENR ng permiso sa San Jose Timber Corp. para muling makapagtroso sa Samar. Ang San Jose Timber ay pag-aari ni Sen. Juan Ponce Enrile. Pinayagan ni DENR Sec. Michael Defensor na makapag-operate ang nasabing logging company sa Samar, Eastern Samar at Northen Samar. Ang matindi, pinayagan ni Defensor na makapag-operate ang logging company ni Enrile kahit na ang lugar ay kinaroroonan ng Samar Island Natural Park. Ang pagpayag ni Defensor ang nagpasiklab sa poot ng mga taga-Samar para umapela kay President Arroyo na itigil ang pagtotroso sa Samar.

Habang nagngingitngit ang mga taga-Samar, nagdiriwang naman ang mga Dipolog, Zamboanga del Norte sapagkat 12 DENR officials ang kinasuhan ng Ombudsman dahil sa pakikipag-cover-up sa illegal na pagpuputol ng puno sa Sibuco, Zamboanga City. Ang 12 DENR officials ay kinasuhan dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705. Hindi umaksiyon ang mga DENR officials sa recommendation ng Sibuco mayor na i-verify ang report na grabeng pamumutol ng kahoy ng ZamboEcoZone sa kanyang lugar. Nang imbestigahan napatunayang nagpuputol sila at itina-transport ang mga kahoy.

Hindi na dapat itanong kung taga-protekta o taga-wasak ng kapaligiran ang DENR.

Show comments