Media na naman ang sinisi

"PISTING yawa" media na naman ang sinisi sa pagbulusok ng rating ni President Gloria. "Media hype" daw ang dahilan kung bakit maraming Pinoy ang gustong umalis na sa puwesto ang Pangulo.

Ayon kay Press Secretary Toting Bunye " The media hype generated by such surveys would not obstruct Mrs. Arroyo’s plans and her administration’s focus on what should be done to solve the country’s problems." Ayun, laging nasisingit ang media at ang patutsadang may kagagawan nito kung bakit nagagatungan ang galit ng tao sa Pangulo. Okay lang. Talagang ganyan ang papel namin. Sa hangaring maging tenga at mata ng taumbayan na may karapatang mabatid ang mga nangyayaring mabuti o masama sa gobyerno, kami ang tampulan ng sisi. Sabi nga ni Mrs. President "alisin na ang bad boy image". Ano iyan, huwag nang bumatikos sa gawang mali, ganun ba? Anyway...

Sa survey ng Pulse Asia, limampu’t walong porsyento ng mga Pilipino ang gustong magbitiw sa kapangyarihan si Presidente Arroyo sa harap ng mga alegasyong nandaya siya noong nakaraang halalan. Kaya lang, ang naturang survey na isinagawa noong Oktubre 15-27 ay walang napigang klarong konsenso hinggil sa kung sino ang dapat pumalit sa Pangulo. Mukhang ayaw din ng marami na ang pumalit sa Pangulo ay ang pangalawang Pangulo na si Noli de Castro dahil kaladkad din ang pangalan nito sa anomalya ng dayaan.

Sa 58 porsyento ng 1,200 Pilipino na tinanong sa survey, 17 porsyento ang payag sa pagdaraos ng espesyal na eleksyon habang 12 porsyento ang pabor na mag-takeover si de Castro sa pagbaba sa puwesto ng Pangulo. May 11 porsyento naman ang gustong palitan ang Pangulo ng isang junta habang inihahanda ang halalan para sa Pangulo o sa Prime Minister alinsunod sa magiging pagbabago ng sistema ng pamahalaan.

Labing-isang porsyento naman ang gustong sabay magbitiw sa tungkulin ang Pangulo at si de Castro at pansamantalang umupo ang Senate President hanggang mahalal ang bagong Pangulo at pangalawang Pangulo. Beinte-kuwatro porsyento lang ng mga sinurvey ang gustong tapusin ni Mrs. Arroyo ang kanyang 6-taong termino hanggang June 30, 2010.

Iyan ang dilemma ngayon. Bagaman at marami ang gustong umalis sa puwesto ang Pangulo, wala namang pagkakaisa hinggil sa kung sino ang papalit sa kanya. Batay sa isinagawang survey, iba-ibang political inclina- tion ang ating nahihinuha. Ibig sabihin, magbitiw man o puwersahang mapababa sa puwesto ang Pangulo, magkakaroon ng kaguluhan sa pagtatalaga ng bagong leader ng bansa. At sino ang magdurusa? Siyempre ang nakararaming mamamayan.

Bayaan na lang kaya nating tapusin ng Pangulo ang kanyang buong termino. Tapos, doon siya ipagharap ng sakdal sa mga kasala- nan niya habang siya’y namumuno sa bansa. Ganyan ang ginagawa sa ibang bansa at marami nang dating leader ang nakalaboso dahil umabuso sila sa kanilang hinawakang kapangyarihan.

Show comments