Naatrasadong order

ANG LSC ay domestic coastwise shipping corporation na nagmamay-ari ng mga cargo vessels. Noong 1989, hiniling ng LSC ang listahan ng presyo ng ilang makina mula sa BJM International (BJMI), ang tagatustos nila ng marine engine parts. Ipinadala naman ng BJMI ang listahan ng presyo sa LSC noong May 31, 1989 kabilang sa listahan ang cylinder liner na nagkakahalaga ng P477,000. Nangako ang BJMI na ihahatid nila ang mga ito dalawang buwan matapos matanggap ang tiyak na order mula sa LSC at kailangang magbayad sa kanila ng 25% sa sandaling maihatid ang order samantalang ang balanse ay babayaran sa loob ng five bi-monthly installments na hindi tatagal ng 90 araw.

Noong Nobyembre 2, 1989 at Enero 15, 1990, nag-isyu ang LSC sa BJMI ng Purchase Order No. 13839 at 14011 para sa pagbili ng dalawang cylinder liners upang gamitin sa cargo ship na MV Dadiangas. Sa purchase order, tanging ang paraan lamang ng pagbabayad ang nabanggit ng LSC at hindi ang petsa kung kailan ihahatid ang mga inorder. Sa purchase order No. 13839 para sa unang cylinder liner, nag-isyu ang LSC sa BJMI ng 10 postdated checks sa halip na 25% na paunang bayad. At dahil tumalbog ang unang tseke na may petsang Enero 18, 1990, napilitang ibalik ng BJMI ang lahat na tseke sa LSC.

Gayunpaman, nagpatuloy na umangkat ang BJMI ng dalawang cylinder liners mula sa kausap nito sa Japan sa pamamagitan ng letter of credit noong Enero 23, 1990. Noong Abril 20, 1990, sa pamamagitan ng sales manager ng BJMI, naihatid nila ang dalawang cylinder liners sa bodega ng LSC patunay nito ang nakatalang "subject to verification" sa sales invoices na pirmado ng bodegero ng LSC.

Noong Nobyembre 15, 1990, nagpadala ang BJMI ng Statement of Account sa LSC ng listahan ng lahat na bagay na nabili ng LSC kabilang ang dalawang cylinder liners. Nagbayad ang LSC maliban sa dalawang cylinder liners. Makailang beses siningil ng BJMI ang LSC subalit hindi pa rin ito nagbayad. Ayon sa LSC, magbabayad lamang sila ng P150,000 para sa mga cylinder liners dahil naatrasado naman daw ang paghahatid ng mga ito. At dahil hindi na raw nila magamit ang MV Dadiangas, kinakailangang ipagbili pa ito sa Singapore para mabayaran ang balanse mula sa kinita rito.

Sa hindi pagkakasundo ng BJMI at ng LSC, kinasuhan na ng BJMI ang LSC sa Regional Trial Court ng Makati (RTC) para bayaran nito ang halaga ng cylinder liners, interes, pinsala at upa sa abogado. Depensa ng LSC na ang oras ay mahalaga sa paghahatid ng mga cylinder liners sa kanila. Naatrasado raw sa paghahatid ang BJMI. Iginiit ng LSC na ang pangako ng BJMI sa ipinadala nitong listahan kung saan ihahatid nito sa loob ng dalawang buwan ang mga order, ay nagsisilbing alok sa kanilang kasunduan samantalang ang purchase orders naman nila ang nagsisilbing pagtanggap sa kontrata ng bilihan. Tama ba ang LSC?

MALI.
Masasabi lamang na ang oras ang diwa ng isang kasunduan kapag ang tanging patakaran ng mga partido ay malinaw na naihayag dito. Ang napagkasunduan ng mga partido ay batas na mananaig sa kanila ayon sa tuntuning ang kanilang mga layunin ang pinakamahalagang elemento na bahagi ng isang kasunduan.

Sa kasong ito, ang listahan ng presyo na ipinadala ng BJMI ay bahagi lamang ng negosasyon sa isang kasunduan ng pagbibili. Samantalang ang purchase orders ng LSC ay hindi maituturing na pagtanggap sa isang kasunduan dahil hindi nito nababanggit ang petsa kung kailan ihahatid ang mga order at ang paliwanag ng pagkakaiba nito sa kondisyon ng BJMI. (Lorenzo Shipping Corp. vs. BJ Mathel International Inc. G.R. 14583, Nov. 19, 2004).

Show comments