Napili siyang maging Obispo ng Tours, France. Itinalaga niya ang kanyang sarili sa pagtatag ng mga monasteryo, paghuhubog ng mga pari at pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga mahihirap.
Alam ni Martin na nalalapit na ang kanyang kamatayan kaya sinabi niya iyon sa kanyang mga kasamahan. Sa kabila niyon, pinagsumikapan pa rin niyang magbiyahe patungo sa parokya ng Candes upang dalawin ang mga pari roon na nagkakaaway-away. Nais niyang magpatawaran sila sa isat isa at papanumbalikin ang kapayapaan doon.
Nagkaroon nga ng kapayapaan sa Candes. At nang siyay pabalik na ng kanyang monasteryo, bigla siyang nanghina. Ipinatawag niya ang kanyang mga kasamahan at sinabi sa kanila na siyay mamamatay na. Nagdalamhati ang kanyang mga kasamahan at nagsumamo, "Father, bakit mo kami iiwan? Sino pa ang mangangalaga sa amin kung wala ka na? Aatakihin ng mga mababangis na lobo ang iyong kawan, at sino ang maliligtas sa kanila sa kanilang mga kagat kung wala na ang pastol? Alam namin na nais mong makasama si Jesus, subalit ang iyong gantimpala ay natitiyak na at hindi mababawasan kung maantala man ang iyong paglisan. Mainam na kahabagan mo kami sa halip na pabayaan."
Ang naging tugon niya: "Panginoon, kung kailangan pa ako ng iyong bayan, nahahanda ako sa gawain. matupad nawa ang iyong kalooban."
Si Martin ay hindi natakot mamatay; ni hindi rin umiwas na mabuhay. Hindi siya napatalo kay Kamatayan ni umiwas sa maaaring maging gawain pa niya. Subalit nang dumating na ang kanyang oras, malugod niyang inihandog at itinagubilin ang kanyang espiritu sa Panginoon.
Sinasabing nang mamatay si Martin, siya ay sinalubong ni Abraham. At iniwan niya ang isang buhay na mahirap upang pumasok sa langit na mayaman sa pagpapala ng Diyos. Si Martin ay itinuturing na isa sa mga santo na nag-alay-dangal at tagapagtaguyod ng kapayapaan.