Sec. Angelo Reyes panoorin mo muna, bago ka ngumawa!

PINAGPIPIYESTAHAN ngayon ang kontrobersiyal na "video" na makikitang patay na ang mga umano’y car-jacking suspect sa loob ng sasakyan pinagbabaril pa ng mga operatiba ng Task Force Limbas ng Traffic Management Group (TMG).

Naganap ang umano’y shoot-out nitong nakaraang Lunes ng gabi matapos makatanggap ng alarma ang mga operatiba at agad na rumesponde upang tugisin ang mga suspect.

Eksklusibong nakunan ng isang cameraman ng UNTV sa itaas ng gusali ng AIC kung saan matatagpuan ang studio ng UNTV Channel 37 ang pangyayaring naging kontrobersyal.

Inilabas namin ang kontrobersyal na "exclusive raw footage" sa programang "Tulfo Brothers" Bahala sina BEN at ERWIN, "live" paulit-ulit habang sinusuri namin ang mga pangyayaring nakuha sa video kinaumagahan ng Martes.

Napanood ito ng ibang mga higanteng TV network habang tinatalakay namin "punto-por-punto" ang mga bagay na hindi dapat nangyari sa panig ng mga operatiba.

Matapos nilang mapanood sa aming programa sa UNTV, kanya-kanyang lapitan ang mga higanteng network upang humingi ng pahintulot na maipalabas ang kontrobersyal na exclusive video sa kanilang "primetime news".

Nauna ang ABS-CBN News at naipalabas naman nu’ng Miyerkules ng gabi sa "TV Patrol World" matapos silang gumamit ng "tulay" at nakuhang makumbinsi ang pamunuan ng UNTV News Network sa pahintulot ng kasamahan naming si Daniel Razon.

Ito’y dahil sa tulong naming magkapatid na si Erwin. Ang kahilingan ni Daniel Razon, si Erwin at walang iba ang dapat gagawa ng report para sa kanilang News. Nilinaw din ni Daniel Razon, ito’y dahil miyembro kami ng UNTV.

Na-interview namin "live" kahapon sa aming programa sa UNTV at DZME, si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Angelo Reyes.

Ipinagtanggol ng kalihim ang mga operatiba na kasama sa operasyon. Ayon sa kanya, maari daw gawin ang ganung hakbang bilang "self-defense."

Iginiit ni Secretary Reyes, sinunod naman daw ng mga nag-respondeng pulis ang kanilang "SOP" o (standard operating procedures) at "Rules of Engagement."

Mensahe ko kay Secretary Reyes. Panoorin mo muna ng maigi at paulit-ulit ang "exclusive raw footage" ng UNTV bago mo ibuka ang bibig sa susunod.

Hindi namin kinukuwestiyon ang agarang pagresponde ng mga operatiba na nakakasama rin ng mga actual operations. Hindi namin kinukuwestyon ang umano’y madugong engkuwentro.

Kuwestyunable sa amin ang ‘yung pamamaraan kung bakit pinagbabaril pa ang mga suspect na PATAY na!

Show comments