Maraming mga pagawang kalyet tulay ang DPWH. Pinagagawa ito sa private contractors na nanalo sa bidding. Kung minsan, may mali ang initial studies ng DPWH na naging batayan ng floor price at specifications sa bidding. Lumilitaw na lang ito sa aktuwal na trabaho, kapag nakapag-hukay na ang kontratista o naglalatag na ng semento. Sobra o kulang pala ang bill of materials o iba pala ang klase ng materyales na kailangan. Kaya nagpa-file ang kontratista ng "change order" sa Bureau of Design (BOD) at Bureau of Construction (BOC).
Heto ang sisti. Pinahihirapan ng mga taga-BOD at -BOC ang mga baguhang kontratista. Hinahanapan ng mali ang mga "request for change order" at hinihingan ng kung ano-anong dokumento, Nag-iimbento sila ng requirements, gayong nakasulat naman ito sa mga alituntunin. Hindi lang yon. Tilad-tilad pa kung hanapan ng butas ang mga request. Matagal na sila sa trabaho nila, pero hindi nila marepaso ang mga dokumento sa isang upuan lang.
Malinaw ang pakay ng sindikato sa BOD at BOC. Pinapagod nila ang kontratista hanggang humingi ng tawad. Alam mo na kung ano ang "tawad", as in "magkano ba para mapadali na ang pagpa-approve niyo ng request for change order ko sa Secretary?"
Kadalasan, ang change order ay paghahanda lamang sa mas malaki, mas maselan, at mas mahal na aspeto ng proyekto. Kayat kung may delay sa change order, made-delay din ang buong proyekto. Takot ng kontratista dito, kasi may multa sa delay.
Ang nangyayari, nagsusuhol na lang ang kontratista para ilusot ang papeles. At dun siya lalong nalululong sa sindikato, Kasi, yung change order niya, ipa-pad ng mas maraming materyales, para kuno mabawi ang ipinang-suhol. Pero humihingi pa rin ang sindikato ng parte sa pagbenta ng labis na materyales umaabot sa milyun-milyong piso.
Takot umangal ang mga kontratista. Dapat manmanan ang raket.