^

PSN Opinyon

‘Extortion with murder?...’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGSADYA SA AMING TANGGAPAN si Julie Tagle ng Oroquietta, Sta. Cruz, Manila upang humingi ng tulong hinggil sa pagkakapaslang ng kanyang kapatid.

Ang biktimang si Victorino Tagle Jr., 54 taong gulang, walang asawa, ay isang piano teacher. Likas sa kanya ang pagiging matulungin at mapagbigay lalo na sa kanyang pamilyang nagigipit.

"Hindi mapapahiya ang lumalapit sa kanya lalo na kung meron din naman siyang maitutulong," sabi ni Julie.

Subalit ang kanyang ugaling mapagbigay at matulungin ay naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ika-31 ng Agosto 2005 bandang alas-5:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima sa Oroquietta, Sta. Cruz, Manila.

"Wala ako sa bahay bago maganap ang insidente. Nang pagdating ko ng bahay laking gulat ko na nagkakagulo na nga dahil sa nangyari sa kapatid kong si Victorino," kuwento ni Julie.

Narinig ng mag-asawang Julito at Conchita Tagle, kapatid ng biktima na may kung anong ingay sa loob ng kuwarto ni Victorino. Humihingi ng saklolo ang biktima kaya naman agad itong pinuntahan.

"Sa ibaba nakatira ang kapatid kong si Julito. Narinig nilang may biglang kumalabog mula sa itaas ng bahay sa kuwarto ni Victorino kaya inakyat ng kapatid ko kasama ang anak nilang si Deo Arvin. Mula din sa bintana ng kuwarto nagsisisigaw ang kapatid ko para siguro malaman ng tao na may masamang nangyayari sa kanya," salaysay ni Julie.

Nabungaran ng mag-amang Julito at Deo Arvin ang suspek na kinilalang si Raymong Caoili, 16 taong gulang. Malapit lamang ang bahay ng suspek sa bahay ng mga Tagle. Ayon sa kapatid ng biktima, madalas nilang itong makitang nakaistambay at pagala-gala sapagkat hindi na ito pumapasok ng eskuwelahan.

"Magmula nang dumating ang suspek na iyan sa aming lugar naging kabalitaan na ang kanyang pagiging basagulero at nasasangkot din sa illegal drugs," sabi ni Julie.

Pagkakita nitong si Raymond sa mag-ama ay mabilis nitong ikinandado ang pintuan ng kuwarto. Tinangka pa nitong tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa bubungan ng bahay subalit nahablot naman ito ng mag-ama.

"Hindi namin alam kung papaano nakapasok ng bahay ang suspek na si Raymond. Pero ang sabi ng katulong namin madalas daw nitong pinupuntahan ang kapatid ko," sabi ni Julie.

Samantala nakita na lamang nina Julito at Deo Arvin na duguan ang katawan ni Victorino. Nagtamo ito ng sampung saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Pinagtulung-tulungan ng mga kapitbahay ang suspek na si Raymond matapos itong makalabas sa bahay ng mga Tagle. Samantala ay agad nilang inireport ang insidente upang masampahan ng kaukulang kaso ang suspek.

"Madalas ko ring naririnig na tumatawag itong si Raymond sa telepono at pilit na hinihingan ng pera ang kapatid ko. Sagot naman ni Victorino sa kanya na wala siyang ibibigay na pera dito. Siguro pilit niyang hinihingan ang kapatid ko ng pera pero nang wala siyang ibigay ay pinatay na lang niya ito. Madalas ko ring nakikitang nakatingin siya sa bahay namin na para bang may inaabangan siya," pahayag ni Julie.

Murder ang nais ng pamilyang ikaso sa suspek na si Raymond subalit sa naging imbestigasyon ay Homicide lamang ito. Umapela sila na magkaroon ng reinvestigation dahil ayon kay Julie ay may ilang mahahalagang bagay din ang nawala sa kuwartong ng biktima.

Nasa opisina ni Fiscal Marcial Distor ng Manila ang kasong ito. Ayon kay Julie, wala pa ring nangyayari sa kaso ng kanyang kapatid. Di umano’y mahina ang ebidensiya kung isasampa nila ang kasong Robbery with Homicide.

"Nais sana namin ay Murder o ‘di kaya’y Robbery with Homicide ang ikaso laban sa suspek pero mahirap daw patunayan kung walang matibay na ebidensiya. Kasalukuyang nasa Juvenile nakapiit ang suspek. Hangad din namin na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng aming kapatid," pagwawakas ni Julie.

Nais kong pasalamatan si Atty. Maria Gaminde Co ng Public Attorney Office ng Antipolo, City sa walang sawang pagtulong niya sa aming tanggapan ni Secretary Raul Gonzalez dito sa HUSTISYA PARA SA LAHAT. Nais ko ding batiin si Atty. Persida Acosta, Chief, Public Attorney Office na dapat lamang niyang ipagmalaki ang katulad ni Atty. Co. Mabuhay kayong lahat.

Ugaliing makinig ng HUSTISYA PARA SA LAHAT sa DIWZ 882 khz tuwing Sabado mula alas-7 hanggang alas-8 ng umaga. Kasama rin namin dito si Prosecutor Olive Non.

Para sa may mga problema sa lupa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing Huwebes. Mayroon tayong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

E-mail address:
[email protected]

BAHAY

DEO ARVIN

JULIE

JULITO

KAPATID

PUBLIC ATTORNEY OFFICE

RAYMOND

SUSPEK

VICTORINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with