Northrail ituloy na

TIGILAN na sana ni Senate President Franklin Drilon ang pagdi-diskaril sa North Luzon Railway. Napatunayan nang palpak pala ang opinyon ng UP Law Center, na pinagbatayan ni Drilon ng pagsabing maanomalya ang proyekto.

Biruin mo, sinabi ng UP Law na walang kakayahan o karanasan ang CNMEG, ang tropang Tsino na maglatag ng riles. Kesyo pipitsuging import-export firm lang daw ito. Ito’y sa kabila ng bilyong-dolyar na pondo ng CNMEG at mahigit 50 taon sa paggawa ng tren at riles sa Tsina at ibang bansa. Ang nangyari pala, pinalpak ng UP law professors ang pagsasaliksik. Nag-search sila sa Internet ng "CNMEC", na akala nila’y palayaw ng China National Machinery and Equipment Corp. (Group), o CNMEG, na dating Ministry of Machineries. Ang bumulalas sa computer screen ay "China National Machinery and Equipment Import-Export Corp. (CNMEC)." At mula du’n pinasya na nila agad na nagpapanggap lang palang CNMEG ang CNMEC. Ang hindi nila nabatid – sinadya kaya? tanong ng Northrail officials – ang CNMEC pala, na totoong import-export company, ay isa lang sa 70 subsidiaries ng CNMEG.

Kung palpak na ang UP Law sa simula pa lang ng saliksik, palpak na rin lahat ng konklusyon nito. Paano namang magkaka-anomalysa sa kontrata, e ang nagpautang na China Export-Import Bank ay diretso kung mag-release ng pera sa CNMEG hindi sa Northrail? Walang pagkakataon sa kickback, ika nga.

Mga taga-UP Law din ang nagsingit sa mahinang impeachment complaint laban kay Gloria Arroyo. Binubuhay ni Drilon ang isyu upang palabasing corrupt ang Arroyo Administration. Humanap sana sila ng tunay na anomalya. Huwag nilang sirain ang proyektong tinaguyod mismo ng dalawang Presidente at dalawang Prime Minister ng Tsina.

Ang Northrail ay solusyon sa squatter problem sa Greater Manila. Sumisiksik sa mga kubo ang mga taga-probinsiya para mapalapit sa trabaho sa siyudad. Pero kung may mabilis nang tren, hindi na sila mag-i-squat, dahil makakauwi na araw-araw sa pamilya. At kung lumuwag ang Greater Manila, mas mae-engganyo ang mga negosyo; dadami ang trabaho.

Show comments