Hindi ito parati tungkol sa sex. Halimbawa, ang mga linya sa Odang Walang Katapusan ni poet Reuel Aquila: Tinutulaan kita, basang labi/ dilang palangiti...// Suwagin mo ako, umpugin,/ Banggain nang mabining mabini...
Pero nagpapahiwatig din ng sapilitang sex. Ehemplo ang sa Romansa ni Reuel: Lumalangitngit ang kama/ Sa bawat bayo niya... Isang romansa ito para sa kanya./ Romansa ng laman sa laman:/ Ng kamao sa labi/ Ng tuhod sa bayag/ Ng paa sa sikmura...
Sa tala ni Padre Chirino sa mga sinaunang Pilipino, ugali ng mga Bisaya na bunutin ang buhok sa ibaba para sa kagandahan at kalinisan. Dahil sa hiram na kulturat relihiyon, nawala ang ugaling ito. Pumalit ang pagtingin sa pagsintat pagnanasa bilang kabastusan at gawaing demonyo. Pati erotisismo, na halaw sa pangalang Eros, diyos ng pag-ibig ng mga Griyego, tinuring na makasalanang paksa.
Tutol dito si Reuel. "Ang erotisismo ay araw-araw na pangyayari sa sarili at lipunan," aniya bilang masters thesis sa UP, "kaya isusulat ko ito." Ang naging produkto ay libro ng mga tula, Mandaragat ng Pag-ibig at Iba Pang Tula ng Pagnanasa (The Seafarer of Love and Other Poems of Desire). Wala ni isa mang tula ay malaswa. Lahat, tungkol nga sa karaniwang pagsinta ng tao. Hindi kailangan ikahiya miski sa anak.
Ila-launch ang libro sa Biyernes, Sept. 30, 6-9 p.m., sa 70s Bistro, Project 3, Quezon City. Magbabasa ng mga sipi sina Cherry Pie Pecache, Gardo Verzosa, Bibeth Orteza, Joel Saracho at Bagong Dugo, Joonee Gamboa, at Joel Lamangan.
Kasama ang paborito kong nag-uumapaw na linya ni Reuel: May puso ang magaspang kong palad/ Ang daliri kong kinakalyo/ Ang aking balikat, bisig at braso/ Kayat inibig ko silang nag-apuhap/ Ng ikabubuhay sa paggawa... Ay marami akong inibig.../ Pagkat marami akong puso... Sabihin pa bawat bahagi ko/ Ay may puso./ Pati puso ko ay may puso/ Ngunit iyay para sa iyo lamang.