‘Kayo naman, ano ang sabi ninyo?’

NARINIG n’yo na ang kasabihang, "Sabihin mo sa akin kung sino ang iyong mga kaibigan at sasabihin ko sa iyo kung sino ka." Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, si Jesus mismo ang nagtanong sa kanyang mga alagad kung sino raw siya ayon sa mga tao (Lukas 9:18-22).

Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Jesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya ang mga ito, "Sino raw ako ayon sa mga tao?" Sumagot ang isang alagad, "Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una." "Kayo naman, ano ang sabi ninyo?" tanong ni Jesus. "Ang Mesiyas ng Diyos!" sagot ni Pedro.

Itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag na huwag nilang sasabihin ito kanino man. At sinabi pa ni Jesus "Ang Anak ng Tao’y dapat magbata nang maraming hirap. Itatakwil siya ng mga matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay."


Si Jesus na mismo ang nagpatunay na tama ang sinabi ni Pedro tungkol sa kanya – na siya ang Mesias ng Diyos – kung kaya’t tinagubilinan niya ang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. Idinagdag pa ni Jesus ang mangyayari sa kanya: Magbabata ng hirap, ipapapatay at muling mabubuhay.

Kadalasan, mahirap sabihin kung sino ang isang tao, kahit na siya’y malapit sa atin o kahit na siya’y isang kaanak. Datapwat kung malapit ang ating ugnayan sa kanya, kahit paano’y maaarok natin ang kanyang loobin, damdamin at mga pinahahalagahan.

Kayo naman? Ano ang masasabi ninyo tungkol kay Jesus? Sino siya para sa inyo?

Show comments