EDITORYAL – Mag-ingat sa mga pekeng gamot

KAWAWA naman ang mga Pinoy. Kulang na sa mga doctors at nurses ay mga peke pa ang nabibiling gamot. Laganap ang mga pekeng gamot ngayon at kung hindi magiging maingat at alerto ang publiko, ang mabibili nilang gamot ang maaaring pumatay sa kanila. Sa halip na gumaling sa sakit, matutuluyan na silang pumanaw. Karamihan sa mga pinepekeng gamot ngayon ay cough syrups at antibiotics.

Matagal nang nag-ooperate ang mga nagpepeke ng gamot at hanggang ngayon ay patuloy pa rin sila sa masamang gawain. Walang magawa ang mga awtoridad kung paano sila mapuputulan ng sungay. Tinatayang nasa P9.5 billion bawat taon ang kinikita ng mga nagpepeke ng gamot. Napakalaking pera nito. Pinagkakakitaan nila ang mga pekeng gamot na ang resulta ay ang pagkamatay ng sinumang gagamit.

Ayon sa mga awtoridad karaniwang ang mga pekeng gamot ay ginagawa sa pamamagitan lamang ng arina at iba pang sangkap. Kung hindi iinspeksiyuning mabuti ang biniling gamot, hindi halatang peke. Pati ang pakete at label ng gamot ay hindi mahahalatang peke. Nakatatakot na sa halip gumaling sa sakit ay lalo pang palulubhain ang problema ng may sakit.

Karaniwang mga maliliit na drugstores ang nagbebenta ng mga gamot na peke. At hindi nakapagtataka kung mapalusutan sila ng mga pekeng gamot sapagkat karamihan sa mga drugstores na "patakbuhin" ay walang lisensiyadong pharmacists. Karamihan ay mga botika sa probinsiya ang target ng mga nagpepeke ng gamot sapagkat wala nga silang pharmacists na susuri sa kalidad ng gamot na binabagsak sa kanila. Mayroon din namang mga botika na sadyang kakutsaba ng mga mamemeke. Mas mura nga naman ang peke kaysa original. Kikita sila sa kaunting puhunan.

Ang hakbang ng Philippine Pharmaceutical Association of the Philippines (PPAP) at ng kompanyang Watsons para labanan ang mga mamemeke ng gamot ay magandang simula para matapos na ang masamang gawain. Sabi ng PPAP nais nilang madurog na ang mga gumagawa ng peke sapagkat marami silang pipinsalain. Gustong masiguro ng PPAP na ang bibilhing gamot ng mamamayan ay galing sa legitimate sources.

Ang mamamayan naman ay may malaking papel din para mawasak na ang sindikatong namemeke. Isuplong sa mga awtoridad ang mga botikang nagbebenta ng peke. Huwag bumili ng gamot sa mga patakbuhing drugstores. Kapag tinangkilik ang patakbuhin, magpapatuloy sila sa operasyon at walang ibang kawawa kundi ang mamamayan. Pagtulungang wasakin ang mga namemeke ng gamot.

Show comments