Nakakulong na si Garcia sa kasalukuyan pero wala pa ring linaw ang lahat sapagkat patuloy na lumalaban para mapawalang-sala sa mga pangungurakot na ginawa niya sa AFP. Hindi na nakapagtataka kung may mga sundalong maakit na magkudeta sapagkat maraming matatabang isda sa AFP na nagpapasasa sa pera na hindi naman sa kanila. Habang ang mga sundalo ay nakikipaglaban na kulang na kulang sa kagamitan at butas ang suot na uniporme, may mga general na nagpapakasawa sa kayamanan.
Hindi lamang si Garcia ang nagpayaman habang nasa puwesto. Pati pala ang pumalit sa kanya sa puwesto bilang comptroller ay sangkatutak din ang pera at ari-arian. Sinampahan ng kaso ng Ombudsman si Lt. Gen. Jacinto Ligot dahil sa hindi maipaliwanag na yaman nito na umaabot sa P135,280,822.11. Bukod kay Ligot sinamphan din ng kaso ang kanyang asawang si Erlinda, mga anak na si Paulo, Riza at Miguel, kapatid na si Miguela Paragas at bayaw na si Edgardo Yambao. Nagkaroon ng pagsasabwatan at pagpayag na maging dummy para maitago ang pagnanakaw. Bukod sa mga lupain, residential units at condominiums, maraming sasakyan si Ligot at may milyong perang nakatago sa AFP Savings and Loan Association. Hindi malaki ang sinusuweldo ni Ligot bilang comptroller.
Tiyak na may mga heneral pang katulad nina Garcia at Ligot at mabubuking din sa mga darating na panahon. Kakasuhan din pero ang tanong, kailan sila magdudusa sa kasalanang ginawa. O basta na lang sila tatanggalin sa serbisyo at balewala na lang ang lahat? At bago iyon mangyari, gaano kabagal ang pagdedesisyon sa kaso.