Tagumpay ng krus

SA Liturhiya ng Simbahan ngayon, ipinagdiriwang ang kapistahan ng Tagumpay ng Krus. Para sa hindi nakakaunawa, tila isang kahangalan na ipagdiwang ang krus, gayong ito ay simbolo ng pagpapahirap o paghihirap at kamatayan. Paano ito isang tagumpay?

Limiin natin ang isinasaad sa Ebanghelyo para sa araw na ito upang maunawaan ang kahulugan ng tagumpay ng krus (Jn. 3:13-17).

"Walang umakyat sa langit kundi ang bumaba mula sa langit — ang Anak ng Tao.

"At kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayon din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampala-taya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

"Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya."


Ang "pagtaas sa Anak ng Tao" ay nangangahulugan ng pagpako kay Jesus sa krus. Dahilan sa kamatayan ni Jesus sa krus, ang sanlibutan ay kanyang iniligtas sa kasalanan at sa kamatayan; sa gayon, tayong lahat at buong sangkatauhan sa lahat ng panahon ay nagkaroon ng buhay na walang hanggan. Ito ang tagumpay ng krus — ang pagkakaligtas ng lahat ng sanlibutan dahilan sa sakripisyo o paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus.

Show comments