Pambayad utang ang 2006 budget

MASAKIT sa ulong isipin ang panukalang P1.1-trilyong national budget para sa 2006. Bilangin mo kung ilan ang zero sa isang trilyon: 1,000,000,000,000.

Mas masakit isipin na 67% ng budget, P2 sa kada P3, o kabuuang P674 bilyon, ay mapupunta hindi sa taumbayan kundi sa mayayamang banko. ‘Yan ay dahil ang P361 bilyon ay pambayad sa utang ng bansa, at P313 bilyon ay sa interes ng iba pang utang. Sumahin mo: P674 bilyon.

Pinaka-masakit sa lahat isipin na P293 bilyon na lang ang matitira sa social services. Kasama na dito ang P119 bilyon sa edukasyon, karamiha’y mapupunta sa suweldo ng teachers at hindi sa bagong classrooms o libro. Ang labing P174 bilyon ay paghahati-hatian ng iba pang social services: kalusugan, kalikasan, pabahay. Huwag mo nang sumahin: tiyak, kapos ang halaga para maalagaan ang mahihirap na kababayan.

Ang sa patubig at pakain ay P16 bilyon na lang. Ang sa pulis para sa kaayusan ay P47 bilyon. Ang sa militar pangontra-terorismo’t pandepensa, P52 bilyon. Ang sa infrastructures, na magbubunga ng bagong trabaho, P62 bilyon lang; mas mababa kaysa P68 bilyon ngayong 2005.

Kahit sino’ng nakaupong Presidente o Administrasyon, hindi na malalayo sa mga numerong ‘yan ang magiging budget. Magpapogi man ang mga politiko na kesyo iba ang magiging palakad nila, matatali rin sa pagbayad-utang ang pangangasiwa. Ito’y dahil takot ang mga politiko na suwayin ang mga ma-anomalyang utang, tulad ng Bataan Nuclear Plant. Takot ang mga lider igiit na ang karapatan ng Pilipino sa katiwasayan.

Ihalintulad natin ang bansa sa isang pamilyang kumikita ng P10,000 kada buwan. P6,740 nu’n ay ilalaan agad sa usurerong nagpautang ng 5-6: P3,610 sa utang mismo, at P3,130 sa interes. P3,260 na lang ang matitira sa buwanang suweldo. Diyan na kukunin ang pangkain ng pamilya, pang-iskuwela ng mga bata, upa sa bahay, tubig, kuryente, pamasahe.

Tiyak, hindi kakasya ang P3,260, ‘di ba? Kaya, uutang pa lalo ang pamilya para lang mabuhay. Samantala, mangangarap sila na isa man lang sa mga anak ay makaka-angat at mababayaran ang mga utang.

Show comments