Inilibing na nga ang impeachment complaint laban kay Mrs. Arroyo pero sabi ng mga lider oposisyon, dadalhin nila sa kalsada ang kanilang sinimulan. Hindi pa tapos ang laban para mapatalsik si Mrs. Arroyo sa puwesto.
Ibinasura na nga ang impeachment pero maraming katanungan ang naiwan. Totoo bang nanalo si Mrs. Arroyo laban kay Fernando Poe Jr.? Totoo bang lumaban siya ng parehas gaya ng kanyang sinabi? Nasaan na si dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano na pinag-ugatan ng lahat ng krisis? Nasaan na ang hinahanap na katotohanan? Maraming katanungan ang lumulutang makaraang patayin at ilibing ang impeachment complaint. At ngayong napagtagumpayan nang napatay at nailibing hindi na marahil hahayaang mabuhay pa. Hindi na hahayaan pang makabangon sa hukay.
Maisisisi sa kawalan ng pagkakaisa at mga hunyangong miyembro ng oposisyon kaya hindi nagtagumpay ang layunin nilang mapatalsik si Mrs. Arroyo. Dahil sa pagkawatak-watak at walang isang salita kaya nadurog ang kanilang mga balak. Ngayon, kahit na dalhin nila sa kalsada ang kanilang hinaing, wala na ring mangyayari. Maski pa magkapit-bisig sina dating President Cory Aquino at biyuda ni FPJ na si Susan Roces, tila wala nang interes ang taumbayan. Wala na. Pagod na sila at sagad na rin sa kahirapan ang buhay.
Kung mayroon mang dapat gawin ang oposisyon ngayon, iyan ay ang pagtugis kay Garcillano. Ang dating Comelec official na ito lamang ang kanilang pagsikapang hulihin nang buhay at baka sakaling may makitang katotohanan. Si Garci lamang ang tanging nakaaalam ng lahat. Hindi siya tatakas kung wala siyang nalalaman sa umanoy nangyaring dayaan noong 2004 elections.