Nais mong bumalik sa unibersidad?

MARAMING gustong mag-aral, ani Dr. Gigi Alfonso ng University of the Philippines. Nariyan ang empleyadong hindi umaasenso dahil hindi tapos ng kolehiyo. O kaya, mabagal ang asenso dahil walang Masters o PhD. O kaya, nais mag-ibang career. O kaya, nagretiro na at gustong magturo. O kaya, masyadong busy sa trabaho o malayo sa campus ang tirahan.

May pagkakataon silang bumalik sa kolehiyo – sa ilalim ng distance learning program ng UP Open University.

Sa programang ito, mag-a-attend ka ng klase sa oras na gusto – sa pamamagitan ng Internet sa bahay o sa Internet Cafe. Ipadadala sa iyo ang lessons at lectures sa Internet. Mahaharap mo ito kung may break o tapos na sa trabaho, o kung bumisita sa Internet Cafe. Pero kuwidaw, hindi ka puwedeng magpabandying-bandying. Dapat hanapan mo ng oras bawat araw o makalawa ang "klase". Nasa sarili mo ngang pace ka, pero kailangan ng disiplina sa sarili at time management.

Maaring makipagkita sa propesor at kaklase tuwing Sabado. O kaya, maaring makipagpalitan ng ideya sa kanila sa pag-chat. O kung may tanong sa propesor, i-e-mail lang siya o i-text. Pagkatapos ng semestre, saka ka lang pupunta sa campus para sa final exams.

Bagay na bagay ito para sa public school teachers. Inutos na nga ng DepEd na mag-enrol sa MA o PhD in Education ng UP Open University ang mga nais ma-promote. Bagay din ito sa barangay officials na wala pang college degree, o sa governors at mayors na nais mag-aral ng public administration o environment management. At jackpot ito para sa nais mag-Masters ng Nursing.

Ang dalawang-taong undergrad program ay para sa Associate in Arts. May dalawang-taong Diploma o Masters o PhD sa 26 na larangan, kabilang ang Computer Science, Social Work, Education, Communications, Public Health. P300 per unit lang ang singil ng UP, dagdag ang ilan pang murang miscellaneous fees, at may scholarship grants – magkakatitulo ka na. At, UP pa. Mag-apply sa www.upou.org.

Show comments