Pagganap sa misyon

GINUGUNITA ngayon ang kapanganakan ni dating President Ramon Magsaysay – isang taong makabayan at tunay na naglingkod sa mga mahihirap. Sa paggunita sa kanyang mga magagandang ginawa para sa kapwa-Pilipino at sa bansa, mainam na alalahanin natin ang misyon ng bawat Kristiyano. Basahin ang Lukas 4:38-44.

Umalis si Jesus sa sinagoga at nagtungo sa bahay ni Simon. Mataas noon ang lagnat ng biyenan ni Simon, kaya hiniling nila kay Jesus na pagalingin siya. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na maalis ang lagnat, at nawala nga ito. Noon di’y tumindig ang maysakit at naglingkod sa kanila.

Paglubog ng araw, ang lahat ng maysakit – ay dinala ng kanilang mga kaibigan kay Jesus. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Nagsilabas sa marami ang mga demonyo, sabay sigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita, sapagkat nakilala nila na siya ang Mesiyas.

"Nang mag-umaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag munang umalis. Subalit sinabi niya, "Dapat ko ring ipangaral sa ibang bayan ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos; sapagkat iyan ang layunin ng pagkasugo sa akin." At nangaral siya sa mga sinagoga sa Judea.

Isa rin sa ginugunita ngayon ay si Jaime Cardinal L. Sin. Ngayon ay kanyang kapanganakan. Si Cardinal Sin at si Ramon Magsaysay ay kapwa nagmahal sa mga mahihirap. Sa kanilang paglilingkod sa mga mahihirap, kanilang tinupad ang misyong iniatang sa kanila ng Panginoon.

Nawa’y tulad nina dating President Ramon Magsaysay at Jaime Cardinal Sin magampanan din natin ang misyon na una nang isinaganap ni Jesus.

Show comments