Ang mga iyan ay dalawa lamang sa mga malalagim na pangyayari na ang naging ugat ay ang pagkasugapa sa droga. Napakarami pang pangyayari na kung hindi magkakaroon ng puspusang pagkilos ang gobyerno para madurog ang mga drug lords at traffickers. Sabi ni President Arroyo sa kanyang SONA noong July 25, 2005, kalahati na raw ng problema sa droga ay nalutas na. Malaking kasinungalingan ito sapagkat hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga Chinese sa bansa para magluto ng shabu. May nadadakma nga sa mga Chinese pero wala ni isa mang malaking drug lord na naikukulong. Maraming shabu laboratory ang sinasalakay subalit patuloy pa rin ang pagsusulputan ng mga bago bang laboratory na hi-tech ang gamit na pangluto ng shabu. Malalakas ang loob ng mga Chinese sapagkat ang nirerentahan pang apartment para paglutuan ng shabu ay malapit sa police station o barangay hall.
Hindi totoong kalahati ng problema sa droga ay lutas na. Malayo pa sa katotohanan. Sa ganitong sitwasyon, ang pakikilahok ng mamamayan para madurog na ang mga "salot" na drug traffickers ay kailangan. Pagtutulungan ang kailangan para ganap na mawasak ang sindikato. Maganda rin naman ang plano ang pagsasailalim sa drug test ng mga empleado sa mga kompanya para malaman ang mga nalululong sa droga partikular ang shabu.
Ang hakbang ng Supreme Court tungkol sa pagsasailalim ng mga miyembro ng judiciary at empleado sa drug testing ay magandang hakbang. Ipinag-utos ni Supreme Court Justice Hilario Davide ang drug testing at nakapaloob ito sa Memorandum Order No. 35-2005. Layunin ng kautusan na matiyak na walang drug addict na hukom, piskal, at mga empleado ng SC. Ayon kay Davide, magiging sorpresa ang pagsasailalim sa drug test upang mabuko ang mga gumagamit ng droga.
Maganda ang hakbang na ito at dapat lamang na tularan ng iba pang ahensiya, kompanya at mga tanggapan ang gagawing drug testing campaign ng Supreme Court. Sa pamamagitan ng sorpresang drug testing mawawalis ang mga addict at maaari na ring mabuko kung saan nila kinukuha ang ginagamit na droga.