Ngayong Agosto na inaasahang uulan pa nang grabe, ay magsisilang pa nang maraming Aedes Aegypti. At tiyak na lalo pang kakalat ang dengue. Maraming pipinsalain lalo pa sa mga mahihirap na lugar na walang kamuwang-muwang sa mga mamamatay-taong lamok.
Ang Department of Health ang may malaking responsibilidad kung paano imumulat ang mamamayan sa mga nakamamatay na sakit kagaya ng dengue. Taun-taon na lamang ay mga insidente nang pagsalakay ng mga lamok na may dengue subalit natutulog sa pansitan ang DOH at walang maibigay na babala sa mamamayan.
Naagaw din ba ang kanilang atensiyon ng kaguluhang pulitikal na nangyayari sa bansa. Naaliw sa "Hello Garci" at ang panawagang magbitiw si President Arroyo?
Huli na yata ang kanilang pagkamulat at saka lamang nakapagbigay ng babala para mag-ingat sa mga lamok na may dengue. Kung kailan may nalagas nang buhay saka lamang magbibigay ng babala.
Sa kanila galing ang report na may 200 kaso na ng dengue sa Gen. Tinio, Nueva Ecija. Apat na ang namatay sa nasabing bayan. Ayon sa DOH, ito ang unang outbreak ng dengue sa taong ito. Ayon kay DOH Undersecretary for Public Health Dr. Ethelyn Nieto, hindi lamang ang bayan ng General Tinio ang kanilang binabantayan sa kasalukuyan kundi pati na rin ang mga bayan ng San Leonardo, General Natividad at Cabiao.
Kamakalawa, naireport na pati ang ilang bayan sa Bulacan at maging sa Valenzuela ay may nabiktima na rin ng dengue. Itinanggi naman ng Valenzuela ang report.
Kulang ang DOH sa pagbibigay ng babala sa mamamayan na may kaugnayan sa dengue. Malayo na ang nararating ng radyo at telebisyon subalit wala man lang anunsiyo ang DOH na nagsasabing mag-ingat ang mamamayan sa lamok na may dalang dengue. O kung hindi man makapagbigay ng babala sa pamamagitan ng radyo at mamudmod ng mga babasahin para mabasa ng mamamayan ang tungkol sa dengue at kung makaiiwas.
Ituro sa mga mamamayan na maging malinis sa kapaligiran. Alisin ang mga maaaring pamahayan ng lamok sirang lata, gulong ng sasakyan, mga paso at iba pang tinatahanan ng tubig. Ituro rin ang mga gagawin sakali at nakitaan ng sintomas ng dengue gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, panghihina ng katawan, maliliit at mapupulang spots sa balat.
Turuan ang taumbayan kung paano patayin ang Aedes Aegypti at nang wala ng dengue.