Maikli lamang ang SONA ni Mrs. Arroyo at mabilis din ang pagkakasabi niyang "the rash of kidnappings become a thing of the past". Ibig niyang sabihin wala nang problema rito. Solb na solb na. Makahihinga na nang maluwag ang Tsinoy na karaniwang target ng mga kidnappers. Noong 2001 na umupo si Mrs. Arroyo ay namayagpag ang mga kidnappers at walang awa kung mambiktima ng mga negosyanteng Tsinoy. Kapag hindi nakapagbigay ng ransom sa itinakdang oras ang mga kaanak ng kanilang kinidnap, pinapatay nila ito. Kagaya ng isang babaing negosyante na kanilang kinidnap na hindi naideliber ang ransom, binaril nila ito sa ulo at saka iniwan sa isang madamong lugar sa Valenzuela City. Hindi lamang mga negosyante ang kanilang target kundi pati na rin mga batang estudyante na nag-aaral sa mga private school.
Walang katotohanan ang sinabi ng Presidente na solb na solb na ang kidnapping. Sabi ni Ang See, pitong kidnapping cases ang nangyari mula June 17 hanggang July 18, 2005. Limang Chinese, isang Taiwanese at isang Pinoy ang kinidnap. Dalawa sa mga ito ang pinalaya, isa ang nakatakas at ang apat ay nagbayad ng P1 milyon ransom. Kinumpirma naman ito ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Arturo Lomibao.
Patuloy ang kidnapping at tiyak na pati na rin ang ibang krimen. At habang patuloy ang pagtaas ng krimen, walang tigil naman ang pag-apela ni Mrs. Arroyo na pagdebatehan na ang Cha-cha.