Ang maingay naman ngayon ay si GMA at ang kanyang kampo. Magkahalong pagpapakumbaba at matikas na pananalita ang ipinararating ni GMA sa kanyang mga pahayag. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi siya magbibitiw subalit ang hinihingi lamang niya ay bigyan lamang siya ng pagkakataon na maipakita na kaya niyang pamunuan nang maayos ang pamahalaan kung hindi siya guguluhun ng mga kalaban sa pulitika.
Marami ang nag-akala na hindi na niya kakayanin ang batikos ng ibat ibang sector na hinihiling na siya ay mag-resign. Pati nga 10 miyembro ng kanyang Gabinete at si dating President Aquino ay hiniling din na magresign siya.
Malaki ang nagawa ni dating President Fidel V. Ramos kay GMA. May balita na gusto ng sundin ni GMA ang panawagang magbitiw na pero biglang nagbago nang makausap si FVR.
Biglang nabuhayan ng loob si GMA at naging matigas ang dating matapos lumabas ang pahayag ni FVR na may plano siya para kay GMA. Sabagay, maganda naman at marami rin ang sumasang-ayon sa ideya ni FVR, kaya lang, walang nakaaalam kung desidido at taus-puso si GMA na ipatutupad ang mga laman ng plano ni FVR.